Ni Ann Esternon
Ang All Saints’ Day na mas kilala rin sa tawag na All Hallows’ Day ay ginaganap bilang pag-alala sa mga santong pumanaw. Ang hallow ay nangangahulugang santo o banal na tao.
Ang All Saints’ Day ay idineklara ni Pope Gregory III (731–741) at pinalawak sa buong simbahan ni Pope Gregory IV.
Sa Pilipinas, ang tawag natin dito ay Todos Los Santos (All Saints) at minsan ay Undas na hango sa salitang Kastila na “honras” o pagkilala. Tinatawag ding Araw ng mga Patay, ang tradisyong ito ay ginagawa natin sa pamamagitan ng pagdalaw sa mga yumaong mahal sa buhay.
HALLOWEEN, PAANO NAGSIMULA?
Ang Halloween ng America ay konektado sa All Saints’ Day na ipinagdiriwang tuwing Oktubre 31. Tuwing gabi ng petsang ito, karaniwang ang mga bata ay naka-costume para magtungo sa mga bahay-bahay para manghingi ng mga candy bilang tradisyon na trick-or-treating.
Nagsimula ito noong sinaunang Celtic festival of Samhain o isang pagan religious festival kung saan ang mga tao ay naka-costumes o nakasuot na parang mga santo upang itaboy ang mga multo.
TRICK-OR-TREATING
Ayon sa kasaysayan, nagsimula ang Halloween noong pang pre-Christian Celtic festival ng Samhain. Ito ay tungkol sa kapistahan kung saan ito ay pagtatapos ng pag-aani at pagsisimula ng taglamig o “darker half” ng taon.
Ginaganap ito tuwing Nobyembre 1 ngunit sinisimulan ng gabi ng Oktubre 31 bilang simula ng Celtic day at nagtatapos sa paglubog ng araw. Silang Celts na namuhay 2,000 taon na ang nakalilipas sa isang lugar na ngayon ay tinawag na Ireland, United Kingdom, at northern France, ay naniniwalang ang mga patay ay muling bumabalik sa lupa tuwing Samhain. Sa banal na gabing itinakda, nagtitipon ang mga tao para makalikha ng bonfires, mag-alay ng sakripisyo at paggalang sa mga yumao.
Sa kwento pa, walang pagtala kung saan at kung kailan nagsimula ang bansag na “trick or treat” ngunit ito ay mas na-establish sa American popular culture noong 1951 kung saan ito ay lumabas sa isang comic strip na Peanut.
Noong 1952, lumikha ang Disney ng isang cartoon na tinawag na “Trick or Treat” tampok si Donald Duck at mga pamangkin nito na sina Huey, Dewey at Louie.
Sa pagdiriwang ng Samhain, ang mga tao ay nagbibihis suot ang mga balat ng mga hayop upang itaboy ang masasamang espiritu.
Sa sumunod na mga siglo, ang mga tao ay nagbibihis ng animo’y mga multo, demonyo at iba pang nakatatakot na kausotan at tinawag na trick-or-treating.
Samantala sa pagpasok ng Kristiyanismo noong 9th century, humalo na ito sa mga ritwal ng mga pagano. Noong 1000 A.D. ang Nobyembre 2 ay ginawa ng simbahan bilang All Souls’ Day bilang paggunita sa mga yumao.
Ang mga mahihirap noon ay nagtutungo sa mga bahay ng mayayaman at tumatanggap ng pastries na “soul cake” kapalit ang pangakong ipagdarasal ang mga kaluluwa ng mga namatay na kaanak ng may-ari ng mga bahay. Tinawag na pangangaluwa o souling, ang kaugalian na ito ay ginaya ng mga bata at sila ang nagtutungo sa mga bahay-bahay na humihingi ng pagkain, pera at iba pa.
Sa Scotland at Ireland ang mga bata ay sumasali sa isang tradisyong “guising”, naka-costumes at tumatanggap ng mga bigay mula sa iba’t ibang mga tahanan. Sa halip na mangakong ipagdarasal ang mga kaluluwa ng mga yumao, sila ay kakanta o tutula, magbibiro o magtatanghal ng isang “trick” bago nila kunin ang kanilang treat o reward na prutas, mga mani, o barya.
PUMPKINS TUWING HALLOWEEN
Ang pumpkins ay nasa uri ng gourd family: cucumbers, honeydew melons, cantaloupe, watermelons and zucchini.
Bida ang pumpkins sa America lalo na sa kanilang holidays – tuwing Halloween at Thanksgiving Day na ginaganap tuwing Nobyembre.
Noong 1584, nang matuklasan ng French explorer na si Jacques Cartier ang St. Lawrence region ng North America, ibinalita niya ang nakitang “gros melons.” Ang bansag na ito ay isinalin sa English na “pompions” na kalaunan ay mas kinilala at tinawag na “pumpkin” sa modernong panahon.
Sa modernong panahon ang pumpkin ay simbolo ng Halloween season. Ito ay inuukitan upang makabuo ng mukha at nilalahyan ng kandila sa loob upang magkaroon ng liwanag at mas makita ang mukhang inukit.
Ang tradisyong ito ay nagmula sa Ireland, kung saan unang ginamit nila ay mga singkamas at patatas at tinawag na jack-o’-lanterns, isang Irish folktale na tumukoy sa isang lalaking tinawag na Stingy Jack.
Ang kaugaliang ito ay dinala ng mga Irish immigrant sa America kung saan maraming pumpkins at naging bahagi na ng Halloween festivities.
“STINGY JACK” AT ANG HALLOWEEN
Ang alamat ni Stingy Jack ay konektado sa Halloween.
Ilang siglo na ang nagdaan ang paggawa ng jack-o’-lanterns ay bahagi na ng taunang pagdiriwang ng Halloween. Nagsimula ito sa mitolohiya sa Ireland tungkol sa isang lalaking tinawag na Stingy Jack.
Sa kwento, inimbitahan ni Stingy Jack ang Devil upang sila ay mag-inuman. Dahil kuripot si Stingy Jack, ayaw niyang magbayad sa kanilang inumin kung kaya kinumbinsi niya ang Devil na magbagong-anyo at gawing pera ang sarili para makabili ng alak. Nang maging pera ang Devil ay tinago ito ni Jack sa kanyang bulsa kung saan naroon ang krus na pilak, kaya’t hindi mabago ng Devil ang kanyang sarili mula sa dati nitong anyo.
Kalaunan ay pinakawalan ni Jack ang Devil sa kondisyong hindi na niya ito guguluhin pa sa loob ng isang taon at kung siya ay mamamatay ay hindi niya kukunin ang kaluluwa nito.
Matapos ang isang taon, muling inuto ni Jack ang Devil na umakyat ng puno at kumuha ng isang prutas. Habang nasa itaas ang Devil, umukit si Jack sa katawan ng puno ng hugis krus upang ang Devil ay hindi makababa hanggang makapangako ito na hindi guguluhin si Jack sa loob pa ng 10 taon.
Kalaunan ay namatay din si Jack. Gaya ng alamat, hindi papayagan ng Diyos na makaakyat sa langit ang ganitong uring nilalang.
Ang kaluluwa ni Jack ay hindi madadala sa impyerno ng naisahang Devil dahil sa pangako nito. Isang gabi, pinapunta niya si Jack sa madilim na lugar bitbit ang isang uling na nagliliyab upang magsilbing ilaw nito sa kanyang daraanan. Ang nagliliwanag na uling ay nilagay ni Jack sa inukit na singkamas at simula noon patuloy pa rin siya sa paglalakbay sa mundo. Dito hinango ng mga Irish ang malamultong pigurang “Jack of the Lantern,” o “Jack O’Lantern.”
Ang paggawa ng ibang bersyon na Jack O’Lantern ay sinimulan sa Ireland at Scotland kung saan ang pag-ukit ng nakatatakot na mukha sa mga singkamas at patatas. Ang mga ito ay ipinupwesto sa mga bintana at pintuan ng kanilang bahay bilang pantaboy kay Stingy Jack at iba pang masamang kaluluwang naglalakbay sa lupa.
Ang tradisyon ito ay ginaya din sa England gamit ang malalaking beets. Dinala naman ng immigrants mula sa mga bansang ito ang Jack O’Lantern sa America kung saan maraming pumpkins at mas akma para rito dahil sa sukat nito.
