Matapos mangulelat sa midterm polls NETIZENS ‘RERESBAKAN’ NI REVILLA

AMINADO si Senador Ramon Bong Revilla Jr. na isa sa naging dahilan ng kanyang pagkatalo sa nakalipas na halalan ay ang naglipanang fake news na tinarget ang kanyang pagkatao.

Dahil dito, sinabi ni Revilla na panahon nang aksyunan ang mga nagpapakalat ng fake news para na rin sa kapakanan ng kabataan na naloloko sa iba’t ibang pahayag dahil hindi nila alam ang mga pangyayari sa nakalipas na mga taon.

Aminado si Revilla na malungkot siya sa naging resulta ng halalan subalit binigyang-diin na inirerespeto niya ang naging pasya ng taumbayan kaya’t isa rin siya sa unang nag-concede matapos ang canvassing.

Subalit, inamin niyang hindi lamang fake news ang dahilan ng kanyang pagkatalo kundi may iba pang mga factor.

Sa press conference sa Senado, kinumpirma naman ni Atty. Raymond Fortun, legal counsel ng senador na lima hanggang 10 cyber libel cases ang kanilang ihahain laban sa mga natukoy nilang indibidwal na sangkot sa pagpapakalat ng fake news laban kay Revilla.

Ipinaliwanag ni Fortun na nakikipag-ugnayan na sila sa National Bureau of Investigation upang masuri ang lahat ng mga kinalap nilang mga post sa social media at matukoy ang tunay na pagkakakilanlan ng mga taong sangkot dito.

Aminado naman si Fortun na sa pagtarget kay Revilla ay may mga nakinabang dahil sa kanyang pagbaba anya ay mayroong umangat.

Isa sa sinasabing fake news ay ang patuloy na pagdiriin sa senador sa kanyang kasong plunder na matagal na anyang naibasura ng Sandiganbayan.

(DANG SAMSON-GARCIA)

43

Related posts

Leave a Comment