UPANG matukoy kung gaano karami ang mga Pinoy na hindi masaya sa kanilang buhay-may asawa, plano ng isang kongresista na magtatag ng grupo na tatawagin aniyang ‘Lonely Hearts Club’.
Sa panayam ng mga mamamahayag sa Kamara kay dating Speaker Pantaleon Alvarez, kasunod ng matagumpay na annulment case na isinampa nito sa dating asawang si Emelita Apostol Alvarez, sinabi ng Davao del Norte 1st District Rep. na nais niyang malaman kung ilang Filipino ang hindi masaya sa pag-aasawa bilang suporta sa “absolute divorce” na ipinasa na sa committee level sa Kamara.
Isa si Alvarez sa pangunahing may-akda sa nasabing panukala na una niyang ipinasa noong siya ang Speaker subalit hindi inaksyunan ng mataas na kapulungan kaya muli itong inihain.
“Gagawa ako ng isang grupo, puwede kayong magpalista. Yung pangalan ng grupo ay Lonely Hearts Club. Ipakita natin ang numbers natin kung ilan tayo para pag nakita nila yun aba eh mapapansin ang ating hinaing,” ani Alvarez.
Sa isang post ni Alvarez sa kanyang social media account, kinumpirma nito na inaprubahan ng Makati City Regional Trial Court Branch 144 ang inihaing annulment case.
Ayon sa mambabatas, nang aprubahan ng Korte ang kanyang annulment case, marami umanong Filipino ang nagkomento na gustong magkaroon ng divorce law sa bansa upang makalaya ang mga ito sa hindi masayang pag-aasawa.
“Para kang gumaling sa Covid,” ani Alvarez nang tanungin kung ano ang pakiramdam nito sa desisyon ng korte. “Magaan, magaan, makapag-umpisa ng panibagong buhay,” dagdag nito.
Gayunman, wala pa umano sa plano nitong pakasalan ang kasintahan.
Si Alvarez ay kinudeta noong 2018 at pinalitan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Isa sa mga itinuturong nagpatanggal sa kanya ay ang anak ni Pangulong Duterte na si Davao City Mayor Sara Duterte. (BERNARD TAGUINOD)
253 