(ELOISA SILVERIO)
Mahigpit na pagpapatupad at pagsunod sa anti-overloading truck scheme ang unang pagtutuunan pansin ni Bulacan Fifth District Congressman-elect Mayor Ambrosio “Boy” Cruz Jr. ng Guiguinto, Bulacan para masolusyunan ang pagkasira ng national highways.
Sa panayam kay Cruz, pangulo ng Bulacan Mayors League, sinabi nito na magsasagawa siya ng isang dialogue kasama ang samahan ng mga hauler o truckers association partikular na yaong mga dumadaan sa Manila North Road kilala bilang dating Macarthur Highway upang talakayin at resolbahan ang dulot nitong problema sa pagkasira ng mga kalsada.
Nauna rito ay kinausap ni Cruz si District Engineer Henry Alcantara ng Bulacan First Engineering Office at pinag-usapan ang mga isasagawang hakbangin kaugnay ng pagpapatupad ng anti-overloading scheme sa mga mapagsamantalang trucker sa sandaling magsimula siyang manungkulan bilang kongresista sa July 1, 2022.
Apektado ng ipatutupad na anti-overloading truck ang mga bayan mula sa Bocaue, Guiguinto, Balagtas patungong Malolos at Calumpit na sakop ng Manila North Road at bayan naman ng Plaridel at Baliwag sa gawing Cagayan Valley Road o ang dating Doña Remedios Trinidad Road.
Mga karagdagang weighing scales ang isa rin sa magiging proyekto para mas masiguro at matiyak na ang bawat dadaang malalaking truck ay nasa tamang timbang o capacity load. Ang bawat truck umano ay kinakailangang nasa bigat lamang na 30 metric tons.
Pahayag ni DE Alcantara, tinukoy nito ang mga overloaded truck na dumadaan sa Manila North Road ang siyang perennial problem nila kaya naman umaapela sila sa local government unit na sana ay matulungan ang DPWH sa pagpapatupad ng anti-overloading scheme.
Bukod sa DPWH, kabilang din sa mga ahente ng gobyerno na ipatatawag ni Cruz ang LGUs at Land Transportation Office (LTO).
Inihalimbawa at pinuri rin ni Alcantara ang matagumpay na strict implementation ng North Luzon Expressway Corporation sa pagbabawal sa overloaded trucks na pumasok at dumaan sa nasabing expressway.
“Why the NLEX can implement the anti-overloaded trucks and why the local government cannot? For our part hindi kami pwede mag-ticket wala naman po kami police power,” wika ni Alcantara.
Paliwanag ni Alcantara, hindi substandard ang kalidad ng ginagawa nilang kalsada katunayan aniya, “The department itself has increased the thickness ng kalsada namin started with 8 inches, 10 inches to 12 inches ngayon po 15 inches na kami, it treat to redesign accordance sa mga dumadaan pero hindi naman po pwede na magkapal pa tayo ng mas malaki hindi na po allowed and advisable under the standard design, the caused really here is the overloaded trucks”.
Sabi ni Alcantara na hindi magiging matino ang kalsadahan hanggat patuloy na dumaraan dito ang mga nasabing overloaded trucks.
Nabatid na mahigit sa 300 mga overloaded trucks ang dumadaan araw-araw sa Manila North Road kabilang na rito ang mga trak na naglalaman ng mga palay, bigas, at quarry.
Kamakailan ay binatikos sa social media ang mga sira-sirang kalsada sa Manila North Road na umano’y hindi binibigyan pansin ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno kung saan ay sinasabing napakatagal nang ginagawa at hindi umano matapos-tapos.
Paliwanag ni Alcantara, hindi sapat ang pondo ng national government upang tustusan ang mga naka-linyang pagawain sa kakalsadahan at umaasa lamang ang kanyang tanggapan sa kung ano ang ire-release sa itaas na siya naman nilang pinagkakasya sa mga prayoridad na gawain gaya ng mga critical sections.
“They don’t know the real situation here, ang problema namin is the funds for national highways walang pagkukuhanan ang gobyerno, alam naman natin nagka-pandemic at iyon ang priority and we are dependent on what the national government will release to us. Hindi naman po Bulacan lang ang nangangailangan buong bansa po yan kaya yun ang dapat maunawaan ng taumbayan,” ayon kay Alcantara.
Nilinaw din ni Alcantara na ang ongoing rehabilitation/ reconstruction/ upgrading ng Manila North Road balagtas-Bocaue Section ay nito lamang Abril 2022 sinimulan at nakatakdang matapos sa darating na Oktubre at hindi aniya totoo na 6 na taon na itong ginagawa.
Ito ay nakapaloob sa Special Road Fund- Motor Vehicle Users Charge na kung saan ay nito lamang buwan ng Marso ibinaba ng national government ang pondo na nasa mahigit P81M sa ilalim ng Department of Budget and Management (DBM) ng General Appropriation Act-For Later Release (GAA-FLR).
“Basta mayroon pondo automatic po yan gagawin natin agad, kaya naman hinihingi ko po ang inyong malalim na pang-unawa sa sitwasyon natin ngayon, konting tiis lang po malagpasan lang natin ang pandemya siguradong maaayos ang ating kalsadahan,” panawagan ni Alcantara.
265 