UMARANGKADA na sa Senado ang itinuturing na “anticipatory hearing” sa prangkisa ng ABS-CBN Corporation habang hinihintay ang pinal na bersiyon ng Mababang Kapulungan hinggil dito, ayon kay Senador Sherwin “Win” Gatchalian.
Sa kanyang pahayag sa ginanap na pagdinig na dinaluhan ng ilang senador, kasalukuyan at dating opisyal ng gobyerno, kabilang si dating Senate President Juan Ponce Enrile, sinabi ni Gatchalian na hindi pa magkakaroon ng pinal na report hangga’t wala pang pinal na bersiyon na mangagaling sa Mababang Kapulungan.
Layunin ng ‘hybrid” hearing na talakayin ang Senate Bill No. 981 na naglalayong bigyan ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN sa loob ng 25 taon at Senate Bill No.1521 na nagbibigay ng temporary franchise sa network hanggang sa pagtatapos ng June 2022.
Pinangunahan ni Gatchalian ang pagdinig bilang vice chairman ng Senate committee on public services matapos mag-inhibit si Senador Grace Poe, chairman ng komite, sa pagdinig. Hindi rin boboto si Poe sa anomang desisyon ng komite.
Kabilang sa inimbitahan sa pagdinig ang ilang opisyal ng ABS-CBN Corporation, National Telecommunications Commission (NTC), Department of Justice, Department of Information and Communications Technology, at ang kinatawan ng Office of the Solicitor General.
Bukod kay Enrile, inimbitahan din si retired Chief Justice Reynato Puno at retired Associate Justice Adolfo Azcuna.
“The committee, however, will not come up with its report until the House of Representatives transmits its final version of the measure to the Senate,” ayon kay Gatchalian.
“The hearing was anticipatory,”giit ni Gatchalian.
Sa ilalim ng Saligang Batas, kailangan aprubahan muna ang isang franchise bill ng Mababang Kapulungan bago ito talakayin sa Senate plenary.
Samantala, kinuwestiyon ni Enrile ang pagbibigay ng temporary franchise sa nertwork na maaaring pagmamaliit sa Saligang Batas.
Sinabi ni Enrile na sa halip, dapat talakayin ng Lehislatura ang 25 taong prangkisa upang magkaroon ng permanenteng legislative grant ang naturang network.
“Why can you not give a permanent franchise to ABS-CBN right away, conduct a day-and-night hearing… instead of playing with the constitution by granting a temporary franchise?” aniya sa pagdinig.
“If Congress can grant a temporary franchise, what is the compelling reason for Congress not to grant a permanent franchise with a reasonable period of 25 years?,” dagdag pa niya.
Sinabi naman ni Minority Leader Franklin Drilon na maaaring magdesisyon ang Kongreso kung gaano katagal ang buhay ng prangkisa ng ABS-CBN alinsunod sa kapangyarihan nito ngunit hindi dapat lalampas ng 50 taon na nakatakda sa Saligang batas.
Naunang, umalma ang ilang senador sa pagdinig ng Senado dahil wala pang pinal na bersiyon na inihahatid ang Mababang Kapulungan hinggil sa prangkisa ng network.
“This hearing might be premature,” ayon kay Sen. Francis Tolentino.
Pinawi naman ni Enrile ang pangamba ni Senador Panfilo Lacson na maaaring magkaroon ng constitutional challenge ang mga senador kung papayagan sa panukala ng Mababang Kapulungan na magbigay ng provisional franchise para sa ABS-CBN.
Ayon kay Enrile, “perfectly okey” kung aamendahan ng Senado ang panukalang provisional authority na maging full 25-year franchise.
Pero, ipinaalala din ni Enrile sa Kongreso na ikonsidera ang nakabinbin na kaso laban sa ABS-CBN na nakahain sa Korte Suprema na maaaring maging kumplikado sa deliberasyon ng franchise renewal bills.
“If the Supreme Court will decide adversely against ABS-CBN, what will happen to the legislative action of Congress granting a new franchise to ABS-CBN?” tanong niya. ESTONG REYES
