UMAPELA ang grupo ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Senado na talakayin na ang panukalang batas para sa pagtatatag ng Department of Filipino Overseas na dating Department of OFW.
“Ngayon na po ang tamang panahon. Matagal na po kaming naghintay. Huwag na po nating ipagkait na magkaroon ng isang opisina na mananagot kung maging mabagal ang serbisyo sa mga OFW,” ani OFW Global Movement Association and Cooperation Inc. (OFW-GMAC) President Lalaine Dazille Siason.
Ang nasabing panukala ay naipasa na sa ikatlo at huling pambasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso noong panahon ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano kaya hinihintay na lamang ang hiwalay na bersyon ng Senado para maging ganap na itong batas at magkaroon ng departamento na mangangasiwa sa OFWs at Filipino migrants sa iba’t ibang panig ng mundo.
Kabilang ang nasabing panukala sa mga legislative agenda ni Pangulong Rodrigo Duterte upang bigyan ng pagkilala ang OFWs na itinuturing na makabagong bayani dahil sa hindi matatawarang tulong ng mga ito sa ekonomiya ng Pilipinas.
“Kung bagong bayani ang tingin niyo sa amin, nararapat lang na aksyunan ng gobyerno ang matagal na naming mga hinaing at dinudulog sa ating Kongreso,” ani Siason.
Ginawa ni Siason ang nasabing apela matapos harangin ni Senate Minority Leader Franklin Drilon noong Disyembre 7 ang deliberasyon sa nasabing panukala na mahalaga sa OFWs.
Ganito rin ang apela ni Warpeace Arnold, pangulo ng Alliance of United OFWs na nakabase sa United Arab Emirates, sa mga senador na nangangambang hindi magkakaroon ng katuparan ang DOF kapag patuloy itong inuupuan ng mga senador.
“Sana po ay pakinggan kami ng ating mga butihing Senador na buksan muli ang pagdinig tungkol sa Department of Filipinos Overseas,” ayon pa kay Arnold.
“Sa loob ng ilang dekada, malaki din po ang naitulong ng mga kababayan nating OFW para palakasin ang ekonomiya ng Pilipinas. Siguro po ay hindi ito kalabisan kung gawing mas komprehensibo at mas akma ang mga serbisyo para sa mga OFW sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang ahensiyang tutugon sa mga problema ng ating mga kababayan na nagtatrabaho sa iba’t ibang bansa,” dagdag pa nito. (BERNARD TAGUINOD)
126
