PAWANG matataas na klase ng mga armas na karaniwang ginagamit ng mga terorista ang tumambad sa mga operatiba ng pulisya sa dalawang magkahiwalay na buy-bust operations sa mga lungsod ng Taguig at Mandaluyong.
Sa isang press briefing, ipinrisinta ni National Capital Regional Police Office (NCRPO director Vicente Danao ang mga suspek na kinilalang sina Nichol John Ofalsa at Bruce Mendoza de Leon, kasama ang mga armas at pampasabog na diumano’y nakuha sa kanilang pag-iingat.
Sa unang operasyong ikinasa sa Taguig, tanging si Ofalsa ang nalambat makaraang mabilhan ng P180,000 halaga ng mga armas ang mga suspek. Pag-amin ng pulisya, nagawang makapuslit ni de Leon, kaya naman nagkasa ng isang follow-up operation sa lungsod ng Mandaluyong kung saan tuluyan nang nadakip ang ikalawang suspek.
Nakumpiska kay Jerusalem ang isang Blackwater 5.56 assault rifle (serial number L564326), isang Bushmaster 5.56 assault rifle (SN 20301404), isang Dublin 12 gauge shotgun (SN 1054790)
isang 0470TRW grenade launcher, isang Norinco AK47 assault rifle, MC-90 CAL 7.62, santambak na spare magazines, iba’t ibang klase ng bala, at isang MK2 fragmentation grenade.
Ani Danao, ang mga nasamsam na armas ay kahalintulad ng mga sandatang narekober ng pinagsanib na pwersa ng pulisya at military sa Marawi kung saan naganap ang pinakamahabang bakbakan sa pagitan ng gobyerno at mga terorista sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Giit pa ng heneral, walang dahilan ang Philippine National Police (PNP) para pumatay kung wala din naman aniyang manlalaban. Sa kaso nina Ofalsa at de Leon, hindi naman nanlaban ang mga ito kaya nakuha pa nilang humarap sa media.
“In fairness naman di ba pag di ka lumaban kahit may firearm ka buhay ka, pag lumaban ka at pag di ka sumurender patay ka…di tayo ganyan ka-ruthless…,” ani Danao.
Ayon sa ulat ni Southern Police District director Jimili Macaraeg, nakabili ang mga kanilang mga undercover operatives ng isang assault rifle at grenade launcher sa halagang ₱180,000.00.
Nang makatakas umano si De Leon ay pinuntahan ito kinabukasan ng mga operatiba sa Mandaluyong City kung saan naman nakumpiska pa iba pang mga matataas na kalibre ng baril, mga bala at pampasabog.
Kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act of 2012), RA 9516 (Unlawful Possession of Firearms, Ammunition and Explosive) ang mga suspek. (RENE CRISOSTOMO)
