CAVITE – Nasagip ng mga tauhan ng Cavite Police ang apat na mga empleyado ng isang kumpanya matapos na “ikulong” ng kanilang mga amo sa kanilang warehouse sa bayan ng Kawit, nang tumangging mag-overtime.
Sinampahan ng kasong illegal detention ang mga suspek na sina Qinghui Qui, 37, at Bin Chen, 32, kapwa Chinese national at operations manager ng Dan Chang Company at kapwa stay-in sa warehouse ng Gold Key Construction Management Inc. sa Brgy. Toclong, Kawit, Cavite, dahil sa reklamo nina Rolando Averilla, 30; Jaime Valenzuela, 43, driver; Ian Clark Madlangbayan, 23, helper, at Ronald Grino, 37, driver.
Sa ulat ni P/SSgt. Ernesto Dasalla Jr. ng Kawit Municipal Police Station, Biyernes ng hapon (Pebrero 14) nang hindi na umano pinalabas ang mga biktima matapos silang pagsabihan na mag-overtime sa warehouse ng nasabing kompanya sa nabanggit na bayan.
Ayon sa nagreklamong mga empleyado, natatakot silang sumuway sa utos dahil baka tanggalin sila sa kanilang trabaho.
“Wala naman daw problema kung mag-overtime ang mga empleyedo kaya lang hindi naman daw sila binabayaran ng kanilang overtime pay,” ayon kay Dasalla.
Ngunit nitong Martes, Pebrero 18, tumawag si Averilla sa kanyang live-in partner na si Ma. Angela Burgos dahil hindi pa rin umano sila pinalalabas.
Bunsod nito, humingi si Burgos ng tulong sa pulisya naging dahilan upang magsagawa ng operasyon ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakasagip sa mga empleyado.
Gayunman, bagama’t hindi umano pinalalabas ang mga empleyado ay pinakakakain naman sila sa kantina. (SIGFRED ADSUARA)
303 