(CHRISTIAN DALE)
HANDA na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ikasa ang hakbang na makatutulong kontrolin ang inflation.
Ang inflation ay isang pangkalahatang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Sa survey ng Pulse Asia, iginiit ng mayorya sa mga Pilipino ang pangangailangan para sa Pangulo (Marcos) na kontrolin ang inflation.
Sa kanilang June 24 to 27 survey, lumabas na 57% ng mga Pilipino ang nagpahayag ng kagustuhan na gumawa ng paraan ang gobyerno upang makontrol ang inflation.
Agad na tugon naman ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, hindi pa man nailalabas ang survey ukol sa inflation ay natalakay na sa unang Cabinet meeting noong Hulyo 5 ang ilang inisyatiba para kontrolin ang tumataas na consumer prices.
“We actually discussed inflation at the last Cabinet meeting and the president himself reported this, so he is actually ahead of the publication of the survey having anticipated this as a potential problem,” ayon kay Cruz-Angeles.
Naunang inihayag ni Finance Secretary Benjamin Diokno na ang inflation ay hindi lamang problema ng Pilipinas kundi ng buong mundo dahil sa mataas na presyo ng produktong petrolyo sa world market.
Ang pagtaas aniya ng inflation nitong Hunyo ay bunsod ng price adjustments sa operation ng personal transport equipment; electricity, gas; karne at iba pa.
Sa kabilang dako, lumabas din sa survey na halos kalahati ng Filipino adults o 45 porsyento ang nananawagan ng pagtaas ng sahod.
Isa ring pangunahing alalahanin ng mga Pilipino ang pagbawas ng kahirapan, kung saan 33% ang sumang-ayon, at pagpaparami ng mapapasukang trabaho sa 29 porsyento.
Samantala, makaraan ang mahigit dalawang taon mula nang ideklara ang COVID-19 pandemic, pitong porsyento na lamang ng mga Pilipino ang may alalahanin sa pagkalat ng COVID-19.
Gayundin, tatlong porsyento na lamang ng mga Pilipino ang may pakialam sa kahandaan ng bansa sa anomang terorismo.
128