BAGONG COVID STRAIN, DAGDAG PROBLEMA SA MGA OFW

NANG dahil sa nadiskubreng bagong uri o “strain” ng COVID-19 virus ay ­muling nagdeklara ng travel ban ang ating ­gobyerno na kung saan ay pinagbabawalan ang pagpasok ng mga foreigners na mula sa United Kingdom, United States, Portugal, India, Finland, Norway, Jordan, Brazil, Denmark, Ireland, Japan, Australia, Israel, The ­Netherlands, Hong Kong, Switzerland, France, Germany, Iceland, Lebanon, Singapore, Sweden, South Korea, South Africa, ­Canada, Spain, Austria, China, Luxemboourg, Oman, Pakistan at Jamaica.

Samantala ang mga overseas Filipinos lalo na ang mga nagmula sa nasabing mga bansa ay mahigpit na ipinapatupad ang 14 na araw na Mandatory ­Quarantine sa mga otorisadong quarantine facilities o mga hotel.

Ang ganitong bagong patakaran na kung saan ang bawat OFW ay kailangan manatili ng labing apat na araw sa mga hotel ay tiyak na magdudulot ng malaking ­problema sa kakulangan ng mga hotel o quarantine facilities.

Kung dati kasi ay sa oras na makakuha na ang isang OFW ng negative result ng swab test ay maari na siyang makauwi sa sariling tahanan. Ibig sabihin ay mababakante na ang hotel at magagamit na agad-agad ng iba pang OFW.

Ngunit sa bagong patakaran ay kahit na negatibo na ang resulta ng swab test ay kailangan pa rin tapusin ang mandaroty na 14 days quarantine. Nangangahulugan na matagal na maglalagi ang mga OFW sa mga hotel na posibleng magresulta na kakulangan ng mga quarantine facilities.

Tiyak na dudumugin na naman ng reklamo ang Overseas Workers Welfare ­Administration (OWWA) sakaling dumating muli ang oras na kung saan ang mga ­ordinaryong mga motel sa Pasay City, Manila, Pasig at Quezon na lamang pansamantalang mananatili ang mga OFW.

Ganitong-ganito ang ­naging senaryo noong kasagsagan ng pandemya na kung saan ay tila nagpista ang mga taga-media sa ­paghagilap ng mga OFW na nagrereklamo laban sa OWWA dahil sa kakulangan ng mga facilities na pinagdalhan sa kanila.

Nitong isang linggo lamang ay sangkaterbang tawag sa telepono ang ­aking natanggap upang makiusap na sila ay mapayagan na makauwi na sa kanilang tahanan dahil mayroon ­naman silang negative result ng swab test. Ilan pa nga sa ­kanila ay kaya lamang umuwi sa Pilipinas ay upang ­maabutan ang paglibing sa kanilang ­kapamilya at ang ilan pa ay dahil ang magulang ay kritikal sa ICU ng ospital.

Ngunit ang lahat ng pakiusap na ito ay hindi napagbigyan, dahil tanging ang IATF sa pamumuno ng Department of Health lamang ang maaring makapagbigay ng permiso.

Kung kaya, ipinapayo natin sa mga OFW na kung hindi rin lamang importante ang kanilang pag-uwi ay mas ­mabuting ­ipagpaliban na lamang muna ang ­kanilang byahe.

Gayundin ang mga OFW na uuwi dahil sa namatayan ng kanilang pamilya, ay dapat nilang ikonsidera ang 14 na araw na kanilang paglalagi sa hotel na maaring maging dahilan ng pag-antala ng ­paglilibing ng kanilang mahal sa buhay.

Hindi maaring isisi ng mga OFW sa OWWA ang ganitong senaryo.

Gustuhin man kasi ng OWWA na ­gamitin ang mga five star hotels ay tiyak na hindi nito kakayanin dahil sa ­dumodobleng bilang ng mga OFW na umuuwi sa Pilipinas.

Isa pa ngang nakakalungkot ay may ilan mga OFW na sinasamantala na rin ang pag-uwi sa Pilipinas para sa mga libreng hotel at trasportasyon mula sa OWWA at makalipas lamang ng higit 15 araw ay ­nagbabalik na muli sa ibang bansa.

158

Related posts

Leave a Comment