BAHAGI ng trabaho ko bilang journalist na subaybayan ang mga nagaganap sa ating bansa.
Natural, kasama riyan ang mga desisyon at aksiyon ng mga opisyal at kawani ng iba’t-ibang kagawaran at ahensiya ng pamahalaan.
Nalalaman ko ang mga ‘yan, sa pamamagitan ng mga naglalabasang balita sa mga pahayagan at online news platform.
Sa totoo lang, sa panahon ngayon ay para akong nagbibilang ng mga masasamang pangyayari sa ating bansa.
Palagay ko kayo rin.
Napawalang-sala si Information Secretary Gregorio Honasan ng Sandiganbayan sa kasong katiwalian at korapsiyon.
Si Honasan ang itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging kalihim ng Department of Information and Communications Technology (DITC) kahit hindi ito eksperto sa nasabing modernong teknolohiya makaraang matapos ang kanyang termino bilang senador.
Ang kaso ni Honasan ay may kinalaman sa sampung milyong pondong pork barrel na inilaan umano sa isang pamayanan ng mga Muslim ilang taon na ang nakalipas.
Kung hindi masama ang balita sa pag-absuwelto kay Honasan, hindi ko alam ang ibang tawag diyan.
Binawi at binago ng Office of the Ombudsman ang orihinal nitong desisyon na sampahan ng kasong korapsyon si dating Transportation Secretary Emilio Abaya III at 16 iba pa kaugnay sa P4.2 bilyong kontrata ng MRT-3 na iginawad sa Busan Universal Rail Inc. (BURI).
Noong Hunyo 2020, ang desisyon ng Office of the Ombudsman ay sasampahan ng kaso si Abaya at iba pa sa Sandiganbayan dahil mayroon umano itong sapat, matibay at malakas na mga ebidensiya laban sa kanila.
Kung hindi masamang balita ang pagpapawalang-sala kina Abaya, hindi ko alam ang ibang tawag diyan.
Hindi ba’t masama ring pangyayari ang pagkakatalagang komisyoner sa National Police Commission (Napolcom) kay Atty. Vitaliano Aguirre II.
Trabaho, tungkulin at obligasyon ng Napolcom na tanggalin ang mga opisyal at kasapi ng Philippine National Police (PNP) na nagawa ng krimen at anumang paglabag sa batas.
Si Aguirre ang itinuturong dahilan sa ‘pagpapawalang – sala’ ng Department of Justice (DOJ) sa mga pinaniniwalang drug lords na sina Kerwin Espinoza at Peter Lim.
Si Aguirre ay iniugnay ni Columnist Ramon Tulfo sa pagkakaroon ng sindikato sa Bureau of Immigration (BI) na tinawag na “Pastilyas”.
Idiniin ni Tulfo sa isa sa mga imbestigasyon sa Senado tungkol sa Pastilyas na nakinabang si Aguirre sa nakukurakot ng Pastilyas Gang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula sa mga Intsik at iba pang banyaga.
Kung hindi masamang pangyayari ang pagkakapuwesto ni Aguirre sa Napolcom, hindi ko alam ang ibang tawag diyan.
Kapag ganyan ang mga mangyayari sa mga kasong tulad ng kina Honasan, Abaya, Aguirre at iba pa, nakasisiguro akong napakalabo nang magtagumpay ang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mamamayang Filipino na sugpuin ang napakatalamak na katiwalian, korapsyon at pandarambong sa iba’t ibang kagawaran at ahensiya ng pamahalaan.
Kaya, hindi ako magtataka kung tuwang-tuwa ang mga tiwali, korap at mandarambong sa pamahalaan
Palpak na nga sa paglaban sa korapsyon, iginiit pa ni Duterte na mabisa at epektibo ang Coronavac na gawa ng kumpanya sa China na Sinovac Biotech kahit kumpirmadong 50 porsiyento lamang ang bisa nitong makasugpo ng COVID-19.
Kaya, walang balak si Duterte na bawiin ang order ng Pilipinas na 25 milyong doses na bakunang Coronavac.
Hindi ba’t masamang pangyayari itong ginawa ni Duterte?
Kung hindi masama, hindi ko alam ang ibang tawag diyan.
Hindi naman paaawat ang pangkat ni Speaker Lord Allan Jay Velasco na isulong ang pagbabago sa saligang batas ng bansa, samantalang napakaraming suliranin ng Pilipinas ngayon na higit na masahol sa ‘depekto’ ng nasabing pundamental na batas ng bansa.
Hindi ko talaga maintindihan ang takbo ng utak ni Velasco at ng kanyang mga kasapakat sa Kamara de Representantes dahil biglang ikinasa nila ang “charter change” (cha-cha), samantalang hindi naman ito ang kagyat na solusyon sa problema ng bansa sa ekonomiya, kawalan ng trabaho ng halos apat na milyong manggagawa, napakababang sahod ng mga manggagawa, napababang kita ng mga magsasaka at mangingisda, mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at marami pang iba.
Kung hindi masamang pangyayari ang desisyon ng pangkat ni Velasco, hindi ko alam ang iba pang tawag diyan.
Napakaraming dapat unahin at bigyan prayoridad ng mga kongresista na mga panukalang batas para sa interes at galingan ng mga pangkaraniwang tao upang maipasa ang mga ito sa Senado, ngunit Cha-cha ang aatupagin ng mga kongresista?
Pokaragat na ‘yan!
Syempre, iba pang usapin ang napakabagal na internet ng Smart Communications at Globe Telecom hanggang ngayong Enero 2021.
