NABUKO ng isang mambabatas ang ‘bagong anomalya’ sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) na posibleng kasabwat ang ilang pagamutan para palabasin na COVID-19 patient ang isang nagpagamot upang mabayaran sa ilalim ng covid-rate na mas mahal kumpara sa ibang ordinaryong sakit.
Ayon kay House minority leader Bienvenido Abante, kabilang sa mga iimbestigahan ng Kamara ang impormasyong nakuha nito na may mga ospital na idineklarang COVID-19 positive ang isang
pasyente kahit iba ang sakit nito upang mabayaran nang mas mahal ng PhilHealth.
“Actually may ilang hospital na nalaman ko specially in Cebu no..eto mayroon akong mga datos dyan na sa ibang government hospitals natin, siyempre nauunawaan ko ang nangyayari na dapat
kapag mahirap wala talagang babayaran,” ani Abante sa virtual press conference. Gayunman, sinabi ng mambabatas na ang hindi umano maganda ay kahit hindi COVID-19 ang sakit ng isang pasyente ay pinalalabas ng mga pagamutan na COVID-19 upang sagutin ng PhilHealth ang lahat ng gastos sa pamamagitan ng COVID-19 rate na itinakda ng nasabing state insurance firm.
Kaya nakaaamoy ang mambabatas ng anomalya sa PhilHealth ngayong panahon ng pandemya.
Base sa covid-rate na itinakda ng PhilHealth, ang isang COVID-19 patient na may mild pneumonia ay PP43,997 ang sasagutin ng PhilHealth sa kanyang hospital bill, P143,267 sa moderate
pneumonia; P333,519 sa severe pneumonia at P786,384 sa critical pneumonia.
Malayong-malayo ang halagang ito sa P15,000 sa sagot ng PhilHealth sa mga nagkakasakit ng pneumonia kaya sinabi ni Abante na dapat itong seryosohin at alamin kung may sabwatang
nangyayari.
Ani Abante, bago natapos ang First Regular session noong Marso ay naghain na ng resolusyon ang kanilang grupo para imbestigahan ang PhilHealth.
Sinabi naman ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate na may bago silang natuklasang anomalya sa PhilHealth na siyang sentro ng kanilang ihahaing resolusyon anomang araw mula ngayon. Gayunman, tumanggi itong idetalye ang natuklasan umanong bagong anomalya.(BERNARD TAGUINOD)
LETHAL INJECTION
Iginiit naman ni Senador Francis Pangilinan na ang dapat sumailalim sa lethal injection ay ang mga nagnanakaw ng pondo sa PhilHealth at sa Department of Health (DoH).
Tugon ito ng senador sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipasa ang parusang kamatayan laban sa mga drug lord.
Hangga’t hindi aniya nasusugpo ang pagkalat ng COVID, hindi makababangon ang ekonomiya at hindi rin matutugunan ang gutom at kawalan ng trabaho.
“Kung buhay muna bago lahat kagaya ng sinabi ni Presidente Duterte sa kanyang SONA, bakit hindi unahin ang mga buhay na nanganganib dahil sa COVID? Kung buhay muna bago lahat, bakit death penalty ang naiisip na solusyon?” tanong ni Pangilinan. (NOEL ABUEL)
