BAKIT BINA-BLIND ITEM PA?

DPA ni BERNARD TAGUINOD

INTERESADO ang taumbayan na malaman kung sino ang dating Cabinet official na pumapadrino sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hub na ni-raid ng mga awtoridad sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga.

Kinumpirma kasi ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) chairman Alejandro Tengco ang panggagapang ng dating Cabinet official para mabigyan ng lisensya ang mga POGOhang ito.

Pero bakit bina-blind item pa at hindi deretsohing pangalanan para tapos na ang kuwento at panagutin kung dapat panagutin lalo na kung may ebidensya naman na pinapadrinuhan niya ang mga ilegal POGO na ito na inuugnay kay Guo Hua Ping alyas “Alice Gou” na nahalal na mayor ng Bamban, Tarlac?

Bagama’t sa pribadong usapan ng media sa kanilang group chat, ay may idea na sila kung sino ang dating Cabinet official, dapat pangalanan agad ito dahil seryosong bagay ito at hindi ito showbiz at personal na buhay ng mga politiko na bina-blind item.

Ang daming Cabinet official ng nakaraang administrasyon at nanghuhula ang mga tao kung sino ang mokong na ito at hangga’t hindi siya direktang pinapangalanan, lahat ng mga dating tauhan ni Digong, paghihinalaan.

Alam naman natin na maraming kumita sa mga POGO noong nakaraang administrasyon dahil bigla silang sumulpot sa ating Inang Bayan at hindi naman makapag-ooperate ang mga iyan nang walang kapalit.

At hanggang ngayon ay pinagkakakitaan pa nila ang mga POGO patunay ang pagpapadrino ng ex-Cabinet official para magkaroon ng lisensya ang ni-raid na mga POGOhan, dahil kung wala siyang mapapala, bakit siya ang naglalakad para sa kanilang lisensya?

Ang problema n’yan, baka mananatiling blind item ‘yan lalo na kapag nakahanap ng padrino sa kasalukuyang administrasyon ang pumapadrinong ito sa mga POGO na ilegal na nag-ooperate at naghahasik ng kriminalidad sa bansa.

Buti kung ordinaryong krimen lang ang kanilang ginagawa pero may mga ebidensya na sangkot sila sa pang-eespiya na naglalagay sa panganib sa seguridad ng bansa. Parang Trojan horse ang mga POGO na libu-libo ang mga empleyadong nakakulong sa loob at naghihintay lang ng hudyat para sumalakay.

Kaya dapat pangalanan na ang Hudas na ito na ibinebenta ang bansa, kung may matibay namang ebidensya sa lalong madaling panahon at huwag hintayin na isiwalat ito sa mga mambabatas sa pamamagitan ng committee hearing.

Baka kasi ang mangyayari ay gawin ang rebelasyon sa executive session at kapag nangyari ‘yan, hindi na malalaman ng mga tao kung sino ang Hudas at latak ng dugong Makabayang Katipunan ng mga Pilipino as in Makapili.

Dapat ding alamin kung sino sa mga taga-PAGCOR at kasalukuyang administrasyon ang protektor ng mga POGO kaya hanggang ngayon ay marami pa ring nag-ooperate nang ilegal. Hindi ‘yan mangyayari kung walang protektor.

139

Related posts

Leave a Comment