RAPIDO ni PATRICK TULFO
MARAMI ang nagulat sa biglaang pagsibak kay Gen. Nicolas Torre III bilang PNP chief, ultimo yatang si Gen. Torre ay hindi makapaniwala sa bilis ng mga pangyayari.
Kumalat sa hanay ng mga mamamahayag ang balitang ito kahapon ng umaga, kasama ang sulat kay Torre hinggil sa kanyang relief order at maging ang pagkakatalaga sa kapalit nito sa puwesto na si Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Naging maikli ang naging panunungkulan ni Gen. Torre na tumagal lamang ng halos tatlong buwan. Sayang, may maganda pa namang mga alituntuning ipinatupad si Torre bilang PNP chief tulad ng five-minute response time ng mga pulis sa mga tawag sa kanila.
Ang itinuturong dahilan daw ng pagkakaalis sa pwesto ni Torre ay ang ginawang pagbalasa nito sa ilang posisyon sa hanay ng PNP.
Ito ay pinawalang bisa mismo ng National Police Commission at inutusan na ibalik sa pwesto sina Lt. Gen. Nartatez bilang PNP deputy chief for Administration, at si Lt. Gen. Bernard Banac bilang Area Police Command (APC) Western Mindanao Commander at ilan pang nalipat ng pwesto.
Hindi nirespeto ni Gen. Torre ang authority ng NAPOLCOM at DILG na malinaw na nakasaad sa batas pagdating sa pag-reshuffle ng mga opisyales sa PNP sa tinatawag na third level positions.
Kung ito ba ay alam ni General Torre o hindi ay siya lang ang makapagsasabi pero nanatiling tikom ang bibig nito sa isyu.
Samantala, sa isang pahayag sinabi ni Sen. Ping Lacson na isa ring dating PNP chief noong panahon ni Pres. Estrada, na lumabag nga sa patakaran si Gen. Torre sa paglilipat ng pwesto ng mga miyembro ng PNP Command Group.
Kailangan nito ng clearance mula sa Pangulo mismo o sa chairman ng National Police Commission (NAPOLCOM).
Kamakailan lamang ay pinuri mismo ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa kanyang SONA, si Torre dahil sa panalo nito sa kanyang boxing match laban kay acting Davao City Mayor Baste Duterte na no-show sa naturang laban.
