PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA
KAILANMAN ay hindi natin kinukunsinti ang mga maling gawain ng mga buwayang traffic enforcer sa kalsada, nariyan na bigla na lang sisitahin at pahihintuin ang mga sasakyan — na nagiging sanhi ng masikip na trapiko — para sa mga paglabag na walang dahilan, kundi ang nais lamang ay makagawa ng paraan para mapuwersa ang isang tsuper na mag-alok ng suhol o lagay.
Sa kabila ng ilang insidenteng napanood pa sa telebisyon at naiulat sa radyo at pahayagan ang ilang huli-sa-aktong pangongotong, hindi pa rin natatakot ang mga buwayang traffic enforcer sa kalsada, bakit mga masugid kong tagasubaybay?
Paano nga ay nagsasamantala ng mga tiwali at mga opisyal na “matindi ang pangangailangan” para sila ay makalikha ng mga paraan at dahilan para makapangikil, ang ilang patakarang ipinatutupad ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
Inyong mapapansin ang mga ilegal na paradahan ng mga legal at kolorum na sasakyan na nakahambalang sa mga kalsada, at ang dahilan nito ay ang lagay o proteksyon para hindi hulihin sa paglabag sa batas-trapiko.
Dahil sa ganitong masamang gawain, ang mga tsuper naman ay nagiging abusado at kaskasero sa kalsada na madalas ay nagiging sanhi ng malulubhang aksidente sa kalsada, at ano ang masaklap na bunga nito dear readers?
Kamatayan sa minamalas na pasahero o naglalakad sa kalsada, bukod pa ang malaking pinsala sa katawan ng mga biktima at ang pagkasira ng mga ari-ariang pribado at pag-aari ng gobyerno.
Ano ang kailangan gawin dear readers?
Kahit na nasa tamang direksyon ngayon ang ilang mga programang ipinatutupad ng MMDA para mapaluwag ang daloy ng trapiko sa EDSA at sa iba ipang ruta ng mga sasakyan sa Metro Manila, ang kailangang gawin ay mas mahigpit na pagdidisiplina at pagpapataw ng mabigat na parusa o multa sa mga pasaway sa kalsada, ‘di po ba?
‘Yan ang nakikitang solusyon ng inyong abang lingkod, ang katiyakang sila ay magmumulta o makukulong na siyang pinakamabisang banta at panakot sa mga taong ang hilig ay lumabag sa batas upang makapanlamang at kumita sa masamang paraan
***
Talaga bang nasa kultura natin ang pagbibigay ng regalo o ng salapi o ang panunuhol at pangingikil at mahina ang moral ng mga tagapagpatupad ng batas at may diperensya ang mga batas at institusyon at ahensiya sa pagpapatupad ng batas laban sa nakasanayang korupsyon?
Kulang nga ba sa pangil at kapangyarihan ang mga ahensya natin na inatasan na labanan ang graft and corruption?
Marupok ba ang moral ng mga opisyal ng mga ahensya laban sa alok na suhol, banta ng mga nasasakdal o kulang sila sa katapatan at integridad at propesyonalismo kaya talamak pa rin ang korupsiyon sa ating bansa?
O talagang kulang o mahina ang parusa sa mga korap at mabagal ang pagbibigay-hustisya sa mga kasong katiwalian?
***
Dapat ba nating iasa lagi sa gobyerno at sa mga ahensiya ang paglaban sa korupsiyon?
May tungkulin ba ang mamamayan na makiisa laban sa korupsiyon?
Kailangan na bang baguhin ang sistema ng pagpataw ng parusa sa mapatutunayang nagkasala ng korupsiyon?
Ito po ang ilan sa mga katanungan dear readers na dapat solusyonan ng ating pamahalaan upang ganap na matuldukan ang katiwalian sa bayan ni Mang Juan.
At kailangang bumalangkas ang pamahalaan ng matibay na batas para palakasin ang pagbibigay ng tulong at proteksyon sa mga naglalantad ng korupsiyon na bukod sa mabigyan sila ng bahagi ng salaping kinukurakot ng mga opisyal bilang pabuya, mabigyan sila ng bagong identity, at bagong buhay.
***
Kailan matutuldukan ang katiwalian sa gobyerno at kahit sa mga trabaho at transaksyon sa pribado?
Kaya ba nating magkaroon ng malinis na pamamahala sa Pilipinas kong mahal?
Tayo ang makasasagot sa tanong na kaya ba nating matuldukan ang mga katiwalian.
Nasa taong bayan ang sagot nito.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.
