TINIYAK ng Bureau of Customs na walang dahilan upang maantala ang paglabas ng mga lumalapag na bakuna kontra COVID-19 sa Ninoy Aquino
International Airport bunsod na rin ng One-Stop-Shop policy na magkatuwang na ipinatutupad ng kanilang ahensya at ng pangasiwaan ng nasabing paliparan.
Partikular na tinukoy ng BOC ang 326,400 doses ng Moderna COVID-19 vaccines na lumapag sa bansa nito lamang nakaraang Linggo.
Anila, ang mga nasabing bakuna ay mayroon nang pre-clearance dalawang araw bago pa ito dumating sa NAIA – kaya naman mabilis itong ini-release para maiturok na sa mga tukoy na lugar at
sektor batay sa National Deployment and Vaccination Plan ng pamahalaan.
Dumating bandang alas 3:30 ng hapon ng Agosto 8 sa NAIA Terminal 3 ang ika-apat na batch ng Moderna shipment lulan ng Flight SQ912 mula Switzerland.
Ito ay sinalubong naman nina Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr., Department of Health – Supply Chain Management Service Director Dr. Ariel Valencia, Port of NAIA District Collector
Carmelita M. Talusan, and Zuellig Pharma Senior Vice President Raymund Azurin.
Mula sa NAIA, mabilis itong dinala sa nakatalagang DOH Cold Storage Facility.
Bukod sa pinakahuling batch na dumating sa bansa noong nakaraang linggo, may tinatayang 37 milyong doses ng iba pang bakuna ang mabilis na nai-release ng BOC. Kabilang sa mga ito ay ang mga sumusunod:
·19.5M – Sinovac
· 7.7M – AstraZeneca
· 3M – J&J
· 350,000 – Sputnik V
· 3M – Pfizer, at
· 3.83M — Moderna
Sa ilalim ng tripartite supply agreement ng bansa sa Moderna, Inc., tinatayang 17 milyon pang bakunang gawa ng nasabing kumpanya ang inaasahang darating sa bansa sa mga susunod na linggo at nalalabing buwan ng taon.
Pangako naman nina Customs Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero at Port of NAIA Collector Carmelita M. Talusan, patuloy nilang titiyaking walang magiging aberya sa pagre-release ng pinakaimportanteng kargamentong dumarating sa bansa, lalo pa’t naka-amba pa rin ang panganib na dulot ng pandemya sa buhay at kalusugan ng mga Pilipino.
