BAKUNADONG OFWs PWEDE NA SA HK

TULUYAN nang pinahintulutan ng pamahalaan ng Hong Kong ang pagpasok ng mga overseas Filipino workers sa kondisyong fully-vaccinated na ang mga ito.

Kinumpirma mismo ng Department of Labor and Employment ang naging pasya ng pamahalaan ng Hong Kong bagamat may mahigpit na kundisyon – kailangan makapagprisinta ang isang OFW ng COVID-19 vaccine certificate na mula sa Bureau of Quarantine.

Ani Bello, simula Agosto 30, mag-uumpisa nang tumanggap ang nasabing bansa ng mga manggagawang Pilipino. Sa tantiya ng Kalihim, hindi bababa sa 3,000 OFWs ang nakatakda na sanang bumalik sa Hong Kong kung bilang pagtalima sa kanilang mga kontrata.

Bukod sa vaccine certificates, kailangan pa ring sumailalim sa quarantine ang mga OFWs paglapag nila sa nasabing bansa.

Wala naman aniyang dapat pang ipag-alala ang mga OFWs dahil bahagi ng kasunduan ay sasagutin ng mga employers ang gastos sa mga pasilidad kung saan sila mamamalagi ng dalawang linggo.

Magugunitang tinanggihang kilalanin ng Hongkong ang mga vaccine cards na iniisyu ng iba’t ibang local government units sa bansa.

Bunsod nito, nakipag-ugnayan ang DOLE sa nasabing bansa at napagkasunduang bumalangkas ng iisang common vaccination certificate na tanging ang pamahalaang nasyunal lamang ang panggagalingan. (RENE CRISOSTOMO)

155

Related posts

Leave a Comment