SINITA ni Senador Alan Peter Cayetano ang ipinatutupad na balanced approach ng gobyerno pagdating sa industriya ng tabako.
Tinukoy ng senador ang balanseng pagturing ng mga ahensya ng pamahalaan para sa kapakanan ng mga magsasakang nagtatanim ng tabako at mga kumpanyang gumagawa ng sigarilyo.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni Cayetano na napakaliit ang kinikita ng mga magsasaka kumpara sa mga kapitalista.
Tinukoy ng senador na sa P160 billion na kinikita sa Tobacco Industry sa isang taon, nasa P1 bilyon lamang ang napupunta sa mga magsasaka.
Binatikos din ni Cayetano ang National Tobacco Administration na pinamumunuan ni Administrator Belinda Sanchez dahil walang maipakitang malinaw na programa upang matulungan at maiangat ang pamumuhay ng 20,000 mga magsasaka ng tabako.
Napakaliit anya ng kita ng mga magsasaka ng tabako kumpara sa P300 Billion na ginagastos ng pamahalaan sa mga sakit na may kaugnayan sa paninigarilyo.
Iginiit ni Cayetano na panahon nang higpitan ang kampanya laban sa paninigarilyo, kasama na ang Vape at E- Cigarette dahil 321 na tao ang namamatay kada araw dahil sa paninigarilyo.
(Dang Samson-Garcia)
