ANTIQUE – Patay ang isang tricycle driver habang sugatan ang apat na pasahero nito matapos bumangga ang kanilang sinasakyan sa kasalubong na truck sa Brgy. Poblacion, sa bayan ng Sebaste sa lalawigan noong Miyerkoles ng hapon.
Kinilala ang namatay na biktimang si Leon Ambos, 63, taga Brgy. Idio, Sebaste, Antique.
Ayon sa kuha ng video na ibinahagi ng isang netizen, makikita na tumilapon sa kalsada ang ilan sa mga biktima habang ang iba naman ay kasama ng tricycle na nahulog sa malalim na bahagi ng gilid ng highway.
Dumiretso naman ang truck sa ibabang palayan at nasugatan din ang driver nito.
Nabatid sa imbestigasyon ng Sebaste PNP, tinatahak ng tricycle ang kalsada nang bigla umanong sumabog ang unahang gulong nito kaya napunta sa linya ng kasalubong na truck dahilan ng banggaan.
Isinugod ng nagrespondeng mga miyembro ng MDRRMO Sebaste ang mga biktima sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival ng doktor ang driver ng tricycle dahil sa malubhang sugat sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan.
Pansamantalang nasa kustodiya ng Sebaste PNP ang driver ng truck habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
(NILOU DEL CARMEN)
