$100M ibubuhos ng US DAGDAG EDCA SITES LILIKHA NG TRABAHO

BUKOD sa pangakong seguridad kontra China, ang pagtataguyod ng karagdagang pasilidad sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), kumbinsido ang mga senior military officers na malaking bentahe ang kasunduang pinasok ng Pilipinas sa Estados Unidos.

Gayunpaman, nilinaw nina Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo at Defense Officer-in-Charge Carlito Galvez Jr. na wala pang pinal na kasunduan – partikular sa usapin hinggil sa lawak at saklaw ng pahintulot na iginagawad ng gobyerno sa mga sundalong Kano sa bagong EDCA sites na tinukoy kamakailan ng Palasyo.

Sa isang pulong balitaan na dinaluhan ng mga opisyal ng Amerika at Pilipinas, ibinida ni US Defense Secretary Lloyd Austin III ang paglalaan ng karagdagang ‘investments’ na lilikha ng mga trabaho at paglago ng ekonomiya sa mga komunidad kung saan mananahan ang mga tropang Amerikano.

Una nang inihayag ng US na dadagdagan pa nila ang nakalaang $82 milyon para sa mga naunang EDCA sites sa Pilipinas.

Sa pagtataya ng Pentagon, papalo sa mahigit $100 milyon ang ibubuhos ng Estados Unidos sa mga imprastraktura sa siyam na EDCA sites sa katapusan ng fiscal year 2023.

Target din anila ng US na maglagay ng maayos na mga paliparan, kalsada at pantalan – mga pagawaing-bayan kung saan higit na kailangan ang mga manggagawang Pilipino.

Pagtitiyak ni Austin na ang apat na bagong EDCA sites – tatlo sa hilagang Luzon at isa sa Palawan – ay garantiya ng kahandaan sa aniya’y nagbabadyang krisis sa hinaharap.

Isang araw matapos ihayag ang kasunduan para sa mga karagdagang EDCA sites, nagpahayag ng pagkadismaya ang China.

Ayon kay Chinese Foreign Ministry Spokesperson Wang Wenbin – “Exchange and cooperation between relevant countries should not target any third party and should be conducive to regional peace and stability.”

“The US-Philippines military cooperation must not interfere in South China Sea disputes, still less harm China’s territorial sovereignty, maritime rights and interests and security interests.” (JESSE KABEL RUIZ)

139

Related posts

Leave a Comment