QUEZON – Patay ang isang 14-anyos na binatilyo sa pamamaril ng dalawa umanong gunman sa Brgy. Malabanban Sur, sa bayan ng Candelaria sa lalawigang ito, noong Martes ng gabi.
Ayon sa report ng Candelaria police, nadiskubre na lamang ang wala nang buhay na biktimang kinilalang si Alexander Bas Yap Jr., residente ng nasabing barangay, na nakahandusay sa gilid ng national highway.
May tama ito ng bala sa ulo na siya nitong agarang ikinamatay. Nakatakas naman ang mga suspek.
Ayon sa Candelaria police, may dalawang ‘persons of interest’ na sila sa krimen at kinilala ang isa sa mga ito na isang nagngangalang Darwin Credo na ka-barangay ng biktima.
Hindi naman matukoy pa ng mga awtoridad at maging ng mga kaanak, kung ano ang motibo ng mga suspek sa krimen.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon at follow-up operation ng Candelaria police para mahuli ang mga suspek.
(NILOU DEL CARMEN)
265