2 PULIS-NAGA PATAY, SUSPEK NAPATAY RIN

0

MASUSING iniimbestigahan ng PNP Bicol ang hinggil sa insidente ng pamamaril na ikinamatay ng dalawang pulis sa hot pursuit operation noong Sabado ng gabi sa Naga City.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Naga City Police Office (NCPO), nangyari ang insidente dakong 6:30 ng gabi sa Caceres St. sa Naga City ikinamatay ng biktimang kinilalang si P/CMS Romeo B. Padua na kasalukuyang nakatalaga sa Police Station 1, NCPO.

Inihayag ng nakasaksi, nagsasagawa ng police visibility patrol si P/CMS Padua sa lugar nang bigla umanong lumapit ang suspek at pinukpok ang biktima ng metal pipe sa ulo na naging dahilan ng pagkawala ng malay nito.

Habang nakahandusay ang biktima sa kalsada, patuloy pang inundayan ng suspek ng palo ng tubo ang biktima hanggang makuha ang baril nito at pinaputukan sa ulo ang pulis at mabilis na tumakbo papalayo.

Ang suspek ay kinilalang si Jericho Cano y Verdejo, nasa hustong gulang, pedicab driver at residente ng Zone 3, Spokoi, Sabang, Naga City.

Agad namang nagresponde ang mga kasamahan ni PCMS Padua, hinabol ng mga ito ang suspek at nakorner malapit sa kanyang tirahan.

Pinakiusapan ng mga pulis ang suspek na sumuko ngunit nagmatigas ito at pinaputukan ang tropa na naging sanhi ng pagkamatay ni P/Cpl. Christian J. Del Valle, 34-anyos, nakatalaga sa Police Station 5, NCPO at residente ng Brgy. Tuburan, Ligao, Albay.

Napatay rin ang suspek sa nasabing hot pursuit operation. Kinumpirma naman ng pamilya ng suspek na sa nakalipas na mga araw, madalas ay wala ito sa sarili. Kabilang din umano ito sa drug watchlist ng barangay at nagpabalik-balik na rin sa kulungan dahil sa kasong pagnanakaw.

Ipinaabot naman ni P/BGen. Jonnel C. Estomo, RD, PRO5 ang pakikiramay sa mga naulilang pamilya ng mga napatay na pulis. Tiniyak ni RD Estomo ang pagpapaabot ng tulong at pag-agapay para sa mga ito. (JESSE KABEL)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment