ARESTADO sa mga awtoridad ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga makaraang makumpiskahan ng marijuana sa ikinasang buy-bust operation nitong Miyerkoles ng madaling araw sa panulukan ng A.H. Lacson at Maria Clara Streets, Brgy. 343, Sta. Cruz, Manila.
Kinilala ni Police Captain Rowell Robles, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Manila Police District – Sta. Cruz Police Station 3, ang dalawang suspek na sina Roniel Remz Ariola, 29, at Froilan Quintana, 26-anyos.
Batay sa ulat ni Police Executive Master Rommel Fermin Rey, miyembro ng “Team Swabe” ng SDEU, bandang alas-3:30 ng madaling araw nang madakip ang mga suspek sa isinagawang buy-bust operation sa nabanggit na lugar.
Nakumpiska sa isang suspek ang 2 medium size plastic na naglalaman ng hinihinalang marijuana na 71 gramo ang timbang at katumbas ng halagang P34,000.
Habang sa isa pang suspek ay nakumpiska ang anim na gramo ng hinihinalang marijuana na katumbas sa halagang P18,000.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (RENE CRISOSTOMO)
