NAIBABA na ang tatlo sa apat na mga namatay sa pagbagsak ng Cessna plane sa Camalig, Albay.
Ayon kay Incident Commander at Camalig, Albay Mayor Mayor Carlos Baldo Jr., dakong alas-7:30 noong Miyerkoles ng gabi nang maibaba ang unang labi sa sentro ng Camalig, Albay.
Pasado ala-una naman nitong Huwebes ng madaling araw naibaba ang pangalawa at bandang alas-tres ng madaling araw naman ang ikatlong labi.
Sa kabila nang pahirapang pagbaba sa mga labi ng mga biktima, maituturing umano ni Mayor Baldo na maayos na naipatupad ang naturang operasyon.
Ayon pa kay Baldo, ang naunang dalawang katawan na naibaba mula sa bulkan ay ang dalawang pilotong Pilipino, at ang natitira na lamang ay ang dalawang dayuhang kabilang sa nasabing insidente.
Tinatayang maibababa na rin ang labi ng ikaapat bago mag-tanghali nitong Huwebes.
Dagdag ng alkalde, hindi nila pinili kung sino ang uunahing ibaba at dumepende ito sa sitwasyon sa itaas sa kung sino ang pinakamadali na maibababa. (NILOU DEL CARMEN)
