3 NPA PATAY SA ARMY SA QUEZON ENCOUNTER

QUEZON – Tatlong umano’y mga miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) ang napatay sa sumiklab na panibagong engkwento ng mga tropa ng pamahalaan at mga rebelde sa bayan ng San Francisco sa lalawigang ito, noong Linggo ng hapon.

Ayon sa report ng San Francisco Police, nangyari ang engkwentro sa Barangay Huyon-Uyon dakong alas-5:30 ng hapon, habang nagsasagawa ng hot pursuit operation ang magkasanib na puwersa ng 85th IB ng Army at PNP sa tumatakas na mga rebelde na unang nakasagupa ng mga tropa ng pamahalaan noong Biyernes ng hapon sa kalapit na bayan ng San Andres, Quezon.

Ayon sa San Francisco Police, dakong alas-5:00 ng hapon, napatay ang tatlong rebelde at patuloy pa ang sagupaan habang umaatras ang mga rebelde.

Narekober ng militar ang tatlong AK-47 rifles mula sa napatay na mga rebelde.

Base naman sa Facebook post ng 85th Infantry Battalion, dakong alas 6:00 ng gabi, sinasabing ang isa sa mga napatay ay si Joseph Delos Santos alias “Ka Ken/Bingot” na siyang lider ng mga NPA sa labanan sa bayan ng San Andres. Hindi pa nakikilala ang dalawa pang napatay sa engkwentro.

Noong Biyernes ng hapon unang nagkasagupa ang dalawang panig sa bulubunduking bahagi ng Sitio Mabato, Brgy. Pansoy, San Andres na tumagal ng 45 minuto.

Tumakas ang nasa 10 hanggang 15 miyembro ng NPA kabilang ang dalawang babae na tinugis ng mga militar.

Nasugatan sa nasabing engkwentro ang isang miyembro ng Philippine Army habang 25 residente ang napilitang lumikas nang maipit sa labanan. (NILOU DEL CARMEN)

312

Related posts

Leave a Comment