6 HOLDAPER, PULIS AT SIBILYAN PATAY SA ROBBERY SA COTABATO

pulis

NASAWI ang walong indibidwal kabilang ang anim na holdaper nang mauwi sa engkwentro ang kanilang pag-atake sa isang bakeshop sa lalawigan ng Cotabato.

Sa ulat na ibinahagi ni M’lang Chief of Police Lieutenant Colonel Realan Mamon, hinoldap ng walong suspek ang Regz and Kirks Bakeshop sa Barangay Bagontapay sa bayan ng M’lang.

Subalit may mga kostumer ang nagtangkang manlaban nang simulang limasin ng mga suspek ang kanilang mga salapi at ari-arian na nauwi sa pamamaril ng mga suspek. Nagawa ring agad makahingi ng tulong sa pulisya ng mga nakarinig sa putukan.

Dito na nagkaroon ng habulan hanggang masukol ng mga pulis ang mga armado na humantong sa ilang minutong palitan ng putok.

Nagresulta ang karahasan sa pagkamatay ng anim sa mga suspek at isang kostumer ng bakeshop.

Minalas ding napuruhan ng tama ng bala si Police Staff/Sgt Rudy Amihan habang sugatan ang kasamahan nitong si Corporal Noli Labesores ng Mlang PNP.

Pinatutugis na ni Col. Mamon ang nalalabing mga suspek na nagawang makalayo sa kasagsagan ng putukan. (JESSE KABEL RUIZ)

17

Related posts

Leave a Comment