7-ANYOS PATAY SA TUKLAW NG COBRA

LAGUNA – Binawian ng buhay ang isang 7-anyos na batang lalaki nang matuklaw ng ahas habang natutulog sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Sta. Lucia, sa bayan ng Nagcarlan sa lalawigang ito, noong Sabado.

Ayon kay Jennifer Villa, ina ng biktima, nadiskubre niya ang insidente dakong alas-6:00 na ng umaga habang ginigising nito ang anak niyang si Neo Andi Daño.

Nabigla umano ito nang makita na tila may mga tuklaw ng makamandag na ahas ang anak.

Agad isinugod ang bata sa Nagcarlan District Hospital subalit idineklara itong dead on arrival ng doktor.

Base sa pagsusuri, mayroong pitong tuklaw ng cobra ang bata sa mukha, braso, at binti na dahilan upang agad itong bawian ng buhay sa kanyang higaan.

Napatay naman ng tumulong na mga kapitbahay ang cobra matapos na makita itong nakasiksik sa ilalim ng refrigerator.

Ito na ang ikaapat na bata na natuklaw ng cobra sa nasabing barangay na ikinababahala na ng mga residente.

Nanawagan ang mga residente sa lokal na pamahalaan na umaksyon na upang wala nang sunod na mabibiktima pa.

Umapela naman ang pamilya ng bata ng tulong para sa gastusin sa pagpapalibing sa biktima. (NILOU DEL CARMEN/CYRILL QUILO)

30

Related posts

Leave a Comment