BAGONG CAPIZ ARCHBISHOP ITINALAGA NI POPE FRANCIS

NAGTALAGA na si Pope Francis ng bagong Capiz Archbishop.

Ito ang ipinahayag ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) makaraang italaga ng Santo Papa si Bishop Victor Bendico.

Bago ang kanyang pagkakatalaga, ang 63-anyos na Obispo ay nagsilbi bilang Obispo ng Diocese of Baguio simula 2017. Siya ang ika-apat na Archbishop ng Capiz.

Naging “sede vacante” ang Capiz Archdiocese , isang termino para sa estado ng isang diyosesis na walang obispo, sa loob ng dalawang taon matapos itong bakantehin noong 2021 ni ngayon ay Manila Archbishop Jose Advincula.

Simula noon, ang archdiocese ay pinangasiwaan ni Monsignor Cyril Villarreal.

Ipinanganak si Bendico sa Roxas City noong Enero 22, 1960. Nagtapos siya ng kanyang pilosopikal at teolohikong pag-aaral sa Unibersidad ng Santo Tomas Central Seminary sa Maynila.

Naordinahan bilang pari sa Archdiocese of Capiz noong April 14, 1984.

Bukod sa paglilingkod bilang Obispo sa Baguio, nagsilbi rin siyang Apostolic Administrator ng San Fernando, La Union mula 2017 hanggang 2018. (RENE CRISOSTOMO)

46

Related posts

Leave a Comment