PINANINIWALAANG inihagis mula sa isang sasakyan ang bangkay ng isang 41-anyos na babaeng Chinese sa ibabaw ng Mabini Bridge sa Sta. Mesa, Manila noong Linggo ng umaga.
Sa pamamagitan ng nakatatandang kapatid na si Ester Tui, 44, kinilala ang biktimang si Esmeralda Tui, residente ng Pandacan, Manila.
Ang insidente ay iniulat ng isang concerned citizen sa MPD Avelino Police Community Precinct.
Inakala noong una na biktima ng “hit & run” si Esmeralda kaya itinawag ito sa Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU).
Sa isinagawang imbestigasyon nina Police Major Jaime Gonzales, hepe ng Investigation Section ng MDTEU, at Police Staff Sergeant Allen Camangon, nadiskubreng may tama ng bala sa noo ang biktima na tumagos sa kanang sentido. May mga galos din sa braso at katawan ang biktima, at sira-sira ang damit nito.
Bunsod nito, ipinagbigay-alam sa tanggapan ng MPD-Homicide Section ang kaso, at si Det. Sir Christian Joseph Pineda ang naatasang magsiyasat sa insidente.
Ayon kay Ester, ang kanyang kapatid ay may sakit sa pag-iisip at sumasailalim sa antipsychotic medication simula pa noong 2022.
Nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga tauhan ni Police Lieutenant Colonel Dionelle Brannon, commander ng MPD-Sta. Mesa Police Station 8, at ang Homicide Section para sa ikalulutas ng kaso habang hinihintay ang resulta ng awtopsiya sa bangkay ng biktima.
(RENE CRISOSTOMO)
265