INIULAT ng Philippine Coast Guard na umabot na sa 19 ang bilang ng mga kumpirmadong namatay, kabilang ang dalawang bata, sa nangyaring na sunog sa M/V Lady Mary Joy 3 sa Basilan.
Batay rin ito sa naging pahayag ng Basilan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Sa talaan ng Philippine Ports Authority at Philippine Coast Guard (PCG), nasa 10 pasahero ang namatay noong Miyerkoles ng gabi ngunit may narekober pang karagdagang bangkay ng 9 katao nitong Huwebes ng umaga.
Karamihan sa mga ito ay nalunod sa dagat sa kasagsagan ng paglalagablab na apoy sa naturang barko.
Ayon kay PDRRMO Chief Nixon Alonzo, 189 indibidwal ang nailigtas o survivors at 7 ang patuloy na pinaghahanap.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), mayroong 195 na pasahero at 35 crew members ang MV Lady Mary Joy 3 na pag-aari ng Aleson shipping, ang nailigtas habang pito katao ang nawawala.
Base sa unang mga ulat, nasa 250 passengers at crew ang sakay ng 33 year old ferry nang magliyab ito.
Karamihan sa mga nasagip ay sa tubig na pinulot ng rescue team ng Philippine Navy at Philippine Coast guard at ilang fishing boat ang sumaklolo sa nagliliyab na barko nang maglundagan ang mga pasahero sa tubig nang magising silang nagliliyab na ang sinasakyang barko.
Hanggang kahapon ay patuloy na hinahanap ang napaulat na mga nawawala.
Ayon kay Basilan Governor Governor Jim Salliman-Hataman, posibleng magbago pa ang mga nasabing bilang dahil patuloy pa rin silang nagdo-double-checking ng pigura mula sa iba’t ibang rescue teams.
Nabatid na naglalayag ang nasabing ferry boat papunta sa bayan ng Jolo sa Sulu mula sa southern port city ng Zamboanga nang biglang magliyab ito malapit sa Baluk-Baluk Island, Basilan bandang pasado alas-11:00 noong Miyerkoles ng gabi.
Sa report ni Cmdr. Rejard Marfe, Philippine Coast Guard (PCG)-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) chief, nag-deploy ng 4-man Maritime Casualty Investigation Team (MCIT) mula Maynila para magsagawa ng formal investigation.
Habang tinututukan naman ng Marine Environmental Protection (MEP) na idineploy sa Basilan, kung nagkaroon ng oil spill sa area.
Sa inisyal na imbestigasyon, may pasaherong nagsabing nakarinig sila ng pagsabog bago mabilis na kumalat ang apoy. Karamihan sa mga pasahero ay natutulog nang mangyari ang insidente na ikinasugat din ng 23 katao.
“Some of the passengers were roused from sleep due to the commotion caused by the fire. Some jumped off the ship,” ani Gov. Hataman
Sinasabing karamihan sa mga namatay ay dahil sa pagkalunod matapos silang maglundagan sa tubig.
Nahatak din kahapon ng umaga ang barko sa dalampasigan ng Basilan at sinimulan na rin Philippine Coast Guard ang kanilang imbestigasyon. Wala namang iniulat na nagkaroon ng oil spill kasunod ng nasabing sunog. (JESSE KABEL RUIZ/RENE CRISOSTOMO)
232