NAHINTAKUTAN ang isang ginang nang tutukan ng tari ng manok ng kanyang live-in partner ang kanilang 6-anyos na anak na babae noong Martes ng hapon sa roof deck ng isang gusali sa Sampaloc, Manila.
Gayunman, agad na natimbog ng nagrespondeng mga tauhan ng Manila Police District- Barbosa Police Station 14, ang suspek na kinilalang si John Eric Morales, 31-anyos, ng Sampaloc, Manila.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Roberto Mupas, station commander, bandang alas-2:57 ng hapon nang makatanggap ang duty desk officer na si Police Staff Sergeant Dave Pamintuan, ng tawag mula sa isang concern citizen hinggil sa nangyayaring hostage taking sa roof deck ng isang gusali sa Barangay 308 sa Sampaloc.
Agad nagresponde si Mupaz kasama si Police Captain Francisco Salazar, hepe ng UBA PCP, at ang mga operatiba ng Tactical Motorized Rider’s Unit (TMRU) sa lugar.
Mismong si Mupas ang nakipagnegosasyon sa suspek habang nakatutok ang tari ng manok sa batok ng batang babae.
Habang nakaposisyon ang mga awtoridad sa hagdanan, pinapasok ng mga pulis ang asawa’t anak na binatilyo ng suspek na nagsusumamo sa pagsuko nito.
Habang kinakausap, kumuha ng tiyempo si Mupas at nang bumukas ang pinto ay sumenyas ang ginang na maaari nang pumasok ang mga awtoridad na mabilis na nadisarmahan ang suspek.
Hinala ng pulisya, bangang sa droga ang suspek at inakala nitong may sumusunod sa kanya para hulihin at ang anak ang ginawa nitong pananggalang. (RENE CRISOSTOMO)
226