BBM ‘estilong Makoy at Duterte’ – solon GEN. ACORDA HINIRANG NA BAGONG PNP CHIEF

TALIWAS sa inaasahan, isang dehadista ang itinalagang kapalit sa pwestong binakante ng nagretirong Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rodolfo Azurin Jr.
Matapos manumpa bilang ika-29 na hepe ng pambansang pulisya, agad din sumabak sa trabaho si General Benjamin Acorda ng Philippine Military Academy (PMA) Sambisig Class of 1991.

Sa ginanap na turn-over ceremony sa Camp Crame, inatasan din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang itinalagang PNP chief na paganahin ang tinawag niyang ‘systematic approach’ sa paglaban kontra kriminalidad, pagpapanatili ng kaayusan at pagsusulong ng isang malusog na demokrasya.

Tugon naman ni Acorda kay Marcos – magsisilbing tagapagtaguyod ng kapayapaan ang PNP bilang ambag sa kampanya ng administrasyon sa isinusulong na ‘safe and economically stable community.’

PNP Internal Cleansing
Nanindigan din si Acorda na pangungunahan ang “pagwawalis ng anay” sa hanay ng pulisya, gamit ang karanasan bilang isang Intelligence Officer sa mahabang panahon.

Partikular na tinukoy ni Acorda ang pagkakasangkot ng ilang mga opisyal ng PNP sa kalakalan ng droga.

May Tiwala si Abalos

Mainit na tinanggap ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos ang paghirang kay Acorda bilang bagong PNP chief.

“Naniniwala akong si Acorda ang nararapat na mamuno sa PNP dahil sa kanyang malawak na karanasan at integridad upang tuparin ang hamon ng pagiging isang Chief PNP,” pambungad na bati ni Abalos.

Hinikayat din ng Kalihim ang 220,000 pulis sa ilalim ng pamumuno ni Acorda, na suportahan ang bagong liderato.

Malawak na Karanasan

Nang magtapos sa PMA, agad na sumabak sa serbisyo si Acorda na nagsilbing hepe ng lokal na pulisya sa mga bayan ng Balungao, Sison, Bolinao at Sual sa lalawigan ng Pangasinan hanggang sa hirangin bilang provincial police director ng Palawan mula 2014 hanggang 2016.

Mula sa pagiging provincial police director, umangat ang estado ni Acorda na itinalagang Regional Director ng Police Regional Office 10 sa hilagang Mindanao.

Hindi rin bago sa larangan ng pagsisiyasat si Acorda na minsan nagsilbing hepe ng Camanava (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) Criminal Investigation and Detection Team, bago masungkit ang pwesto bilang CIDG Region IV-A chief.

Bago hinirang na PNP chief, si Acorda ang PNP Directorate for Intelligence.

Malinis na, May Aral pa

Malinis na record naman ni Acorda ang nagtulak sa dating pamunuan ng PNP na ipagkatiwala kay Acorda ang kampanya ng pambansang pulisya laban sa mga anay sa hanay nang pamunuan ang PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group.

Kumpleto rin sa aral ang bagong PNP chief na nagtapos ng Master’s Degree in Management sa Philippine Christian University, bukod pa sa pagtatapos ng Police Intelligence Officer Advanced Course, Logistics Management Course at Drug Law Enforcement.

Higit na kilala sa Acorda na kabilang sa mga agresibong nagsulong sa paglikha ng PNP Anti-Cybercrime Group.

Estilong Makoy at Du30

Para sa mga militanteng kongresista sa Kamara, sinusundan ng Pangulo ang yapak ng dalawang dating Pangulo na ‘di umano’y paboritong magtalaga sa pwesto ng mga ‘kalugar.’

Partikular na tinukoy ni ACT Party-list Rep. France Castro ang estilo nina dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at former President Rodrigo Duterte.

“I hope that this would not be another regionalistic patronage appointment as the dictator Ferdinand Marcos Sr. practiced as also with Rodrigo Duterte,” reaksyon ni Castro sa paghirang kay Acorda na tulad ng Pangulo ay mula sa Ilocos region.

Paglilinaw ni Castro, wala siyang pagtutol sa pagtatalaga kay Acorda, bagamat aminadong may agam-agam sa aniya’y posibleng epekto sa hanay ng pulisya.

Pahabol ng Palasyo

Maximum tolerance naman ang payo ng Pangulo kay Acorda sa mga batikos na matatanggap sa pagganap sa tungkulin bilang hepe ng pambansang pulisya.

“Serve the people with integrity, with accountability, and genuine justice. Always be open to public scrutiny, and practice restraint and maximum tolerance in the face of harsh criticism,” sambit ni Marcos sa kanyang talumpati matapos pangasiwaan ang panunumpa ng itinalagang PNP chief.

“As a united police force, always strive to win the trust, respect and admiration of our citizenry, through an efficient, ethical and compassionate brand of police work,” dagdag pang wika ni Marcos. (Mga ulat nina JESSE KABEL/BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

42

Related posts

Leave a Comment