(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
NANGINGINIG na sa takot ang mga tiwaling ahente ng Bureau of Immigration (BI) matapos iutos ng pamunuan ng ahensya ang masusing imbestigasyon kaugnay sa umano’y multimillion-peso extortion activities sa mga Filipino-Indian citizen sa Visayas region.
Sa impormasyon ng SAKSI Ngayon, nangangamba ang mga sangkot sa pangingikil dahil tiyak mahuhubaran sila ng maskara sa imbestigasyon partikular ang isang alyas Agent Jude.
“The BI management does not tolerate any kind of corrupt practices amongst its ranks,” pahayag ni Immigration chief Norman Tansingco noong Biyernes.
“We have initiated an investigation on this matter and are welcoming information from concerned individuals on reports against erring personnel,” aniya pa.
Iniutos ni Tansingco ang nasabing imbestigasyon kasunod ng mga ulat na ilang Immigration authorities ang nangikil ng pera sa 19 mula sa 33 Fil-Indians na inaresto sa Iloilo noong Pebrero.
Ang 19 indibidwal ay sinasabing nagbayad ng P350,000 sa Immigration operatives.
Kung susumahin, umabot sa P6.6 million ang kabuuang aregluhan na nangyari, ayon sa mga nagrereklamo.
Ang masaklap, matapos manghuli at mangikil ng limpak-limpak ay nagpatawag ng meeting ang grupo ni Jude sa mga Fil-Indian sa probinsiya upang ipaalam na kung ayaw nilang maaresto ay magbigay sila ng tig-P50,000 bawat isa.
Kung ang edad ng Fil-Indian ay 50-anyos pataas, ang tara ay P50k; samantalang ang Bumbay na may edad 50-anyos pababa ay inoobliga namang magbigay ng tongpats na P30k bawat isa.
Sinabi ni Immigration spokesperson Dana Sandoval na nakarating ang ulat sa atensyon ng BI.
“We have yet to receive a copy of the official complaint, but the Commissioner has initiated an investigation upon receiving such information,” pahayag ni Sandoval.
Nauna nang iniulat na ginagamit ng grupo ni alyas Jude ang tanggapan ni Justice Secretary Boying Remulla upang lalong matakot ang mga biktima.
197