LIMANG araw bago ang halalan, patuloy na nadaragdagan ang nangyayaring karahasan kaugnay sa paparating na Barangay at Sangguniang Kabataan election (BSKE).
Kabilang sa pinakabagong naitala ay ang pagkamatay ng isang kandidatong kapitan sa Barangay Sigpang, Kapatagan, Lanao del Sur, na pinagbabaril umano ng mister ng kanyang kalabang incumbent barangay chairman sa lugar.
Sugatan naman ang asawa at anak nito na kasama ng biktima nang mangyari ang krimen dakong alas-6:25 noong Miyerkoles ng umaga.
Kinilala ang napatay na si Barangay chairman aspirant Camar Bilao Bansil habang sugatang ang misis nito na si Jasmine Tawa Bansil, at ang kanilang 7-anyos na anak.
Ayon kay P/Maj. Alinaid Moner, spokesman ng Lanao del Sur Police, sakay ng kanilang mini-cab ang mag-anak nang paulanan sila ng bala ng suspek na kinilalang si Pabel Pagrangan, asawa ng incumbent barangay chairman na si Normalah Pagrangan na katunggali ng biktima sa paparating na eleksyon.
Ayon sa report, iigib ang mga biktima ng inuming tubig sa isang water system malapit sa barangay hall ng Barangay Sigayan, Kapatagan nang magkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktimang kandidato at ang suspek na humantong sa pamamaril gamit ang M-16 rifle.
Sinita umano ng suspek ang biktima sa pagkuha nito ng tubig malapit sa barangay hall na naging simula ng kanilang pagtatalo.
Dead on the spot ang biktima habang isinugod sa ospital ang asawa at anak nito.
Mabilis na tumakas ang suspek matapos ang pamamaril.
Samantala, alas-diyes ng umaga muling may maitalang pamamaril naman sa kalapit na Barangay Dugawan kung saan dead on the spot ang biktimang kinilalang si Acmad Mulang Alamada, isang Muslim religious leader.
Inaalam ng mga pulis kung magkaugnay ang dalawang insidente sa bayan ng Kapatagan.
(NILOU DEL CARMEN)
202