HINDI bababa sa 50 kabahayan ang nasira sa pananalasa ng buhawi sa dalawang lugar sa lalawigan ng Iloilo noong Martes ng umaga.
Ayon sa ulat ng local Office of Civil Defense, dalawang magkahiwalay na buhawi ang naitala sa bayan ng Oton, Iloilo at sa Iloilo City.
Nasa 39 kabahayan ang nasira sa mga barangay ng Santo Domingo at Santa Cruz sa Iloilo City.
Habang sa ulat ng Iloilo City Social Welfare and Development Office, 15 bahay ang partially damaged at 6 ang totally damaged sa Barangay Santo Domingo.
Samantala sa Santa Cruz, sinasabing may 12 kabahayan ang naitalang partially damaged habang 6 ang totally damaged, bukod pa sa mga nagtumbahang poste ng kuryente.
Isang residente ang iniulat na nasaktan matapos mabagsakan ng puno ng mangga ang kanilang tinitirhan.
Sa Oton, 15 bahay ang nasira sa Barangay Alegre at ilang puno ang bumagsak bunsod ng ilang minutong pananalasa ng buhawi. (JESSE KABEL)
