Businesswoman nakipagbarilan sa mga pulis KASAMBAHAY PATAY SA CROSSFIRE

patay

HINIHINALANG namatay ang isang 20-anyos na kasambahay nang maipit sa pakikipagpalitan ng putok ng kanyang among 35-anyos na negosyante habang lulan ng Ford Ranger pick-up, sa nagrespondeng mga pulis sa Mindanao Avenue malapit sa Mindoro St. sa Sampaloc, Manila nitong Lunes ng madaling araw.

Ayon sa ulat ng pulisya, pinagbabaril umano ni alyas “Kirstie”, dalaga, ng San Carlos Heights, Irisan, Baguio City, ang bahay ni P/Major Rommel Purisima ng Manila Police District.

Bunsod nito, nagresponde ang mga tauhan ng Station Tactical Motorized Riding Unit (STMRU) ng Sampaloc Police Station ngunit pinaputukan umano ng suspek ang mga awtoridad na nagresulta sa engkwentro dakong 1:45 ng madaling araw.

Tumakas umano ang suspek hanggang makorner sa Ramon Magsaysay Blvd. sa Sta. Mesa, Manila. Sa puntong iyon, natuklasan ng mga awtoridad sa loob ng sasakyan na patay na ang kasambahay na si Reanne Pilar, tubong Binalonan, Pangasinan, sanhi ng mga tama ng bala sa katawan.

Nabatid pa sa ulat ng pulisya, bayaw umano ni Major Purisima, na nakatalaga sa DPIOU, ang karelasyon ng suspek.

Sinasabing gusto nang hiwalayan ang suspek ng pulis na ‘di binanggit ang pangalan, na naging dahilan nang pagpupuyos ng galit nito.

Isasailalim sa ballistic examination ang mga balang tumama sa kasambahay upang mabatid kung saan nagmula ang mga ito.(RENE CRISOSTOMO)

11

Related posts

Leave a Comment