HINDI napigilan ng ilang batang biktima ng sinasabing kulto sa Socorro, Surigao del Norte ang mapaiyak habang isinasalaysay ang kanilang naranasan sa loob ng organisasyon.
Humarap sa pagdinig sina Alyas Renz at Alyas Koko na kapwa 12 anyos at kinumpirma na sinasanay sila ng mga tauhan ni Senyor Aguila na maging kanyang mga sundalo.
Bukod anila sa paghahakot ng mga buhangin ay palaging isinasailalim sa ‘masimasi’ na isang uri ng parusa sa mga pulis at sundalo.
Iginiit ng dalawang victim-survivor na hindi sila pinag-aaral sa katwirang si Senyor Aguila mismo ay hindi naman nag-aral.
Itinanggi naman ni Jay Rence Quilario ang sumbong ng mga biktima at iginiit na masama lamang ang loob ng mga ito sa kanya.
Itinanggi rin ni Senyor Aguila na hindi pinapayagang mag-aral ang mga bata dahil maaari anya silang lumabas pasok sa kanilang lugar.
Kinontra naman ito ni Socorro, Surigao del Norte Mayor Riza Rafonselle Timcang na noong 2019 nang maganap ang lindol sa lugar ay nagkaroon ng massive dropout kung saan 800 bata ang tumigil sa pag-aaral.
Sa impormasyon naman ni Senador Risa Hontiveros, 30 percent lang ang pinapayagang mag-aral dahil sila ang nakakakuha ng 4Ps na ginagamit na pondo ng organisasyon.
Humarap din sa pagdinig ang isang alyas Jane, 15 anyos na nagsabi siya ay isinalang sa forced marriage sa isang 18 anyos na lalaki.
Ayon kay Jane, ipinalilista ng lider ng grupo na si Jey Rence Quilario, alyas Senyor Aguila ang mga single na babae na may edad 12 anyos pataas at lalaki na 18 pataas at saka siya mamimili ng ipapares.
Sinabi ni Jane na si Senyor Aguila ang nagkasal sa kanila at matapos ang kasal ay sinabihan ang kanyang asawa na may permiso siyang gahasain ang kanyang asawa.
Alinsunod anya sa regulasyon ni Senyor Aguila, kinakailangang sa loob ng tatlong araw ay dapat makisiping ang babae sa kanyang asawa at kung hindi ay mapupunta siya sa impyerno.
Sinabi ni Jane na pumayag ang kanilang magulang sa pagpapakasal dahil yun daw ang paraan para sila ay makapunta sa langit.
Maging si Senyor Aguila aniya ay nagpahayag ng kagustuhang makipagtalik sa kanya subalit paulit-ulit niyang tinatanggihan.
Isiniwalat din ni alyas Jane na may mga paraan ng pagpaparusa sa kanila kabilang ang pagpalo sa kanila ng paddle, paggamit ng roleta kung saan nakalista ang mga parusang pwedeng ipataw at restriksyon sa isang foxhole o isang maliit na bahay sa gitna ng gubat.
Sinabi ni Jane na tumakas siya sa lugar dahil gusto niyang mag-aral at pagod na pagod na siya sa mga trabahong ipinagagawa sa kanila.
Pinatotohanan naman ni Mark Virgil Gelsano, isang dating miyembro ng Agila Squad ang mga pahayag ni alyas Jane.
Ito anya ang dahilan kaya’t tumiwalag na siya sa organisasyon.
(DANG SAMSON-GARCIA)
515