P4-B CIF NI MARCOS PINALULUSAW

(BERNARD TAGUINOD)

HINDI lamang ang mga ahensya ng gobyerno na walang kinalaman sa seguridad ng bansa ang dapat tanggalan ng Confidential and Intelligence Funds (CIF) kundi ang Office of the President (OP) mismo.

Ito ang iginiit ng Makabayan bloc kasunod ng joint statement ng mga political party sa Kamara na ilipat sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang CIF ng mga ahensya ng gobyerno kasama na ang Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

“Nasa P10.134 bilyon ang kabuuang confidential and intelligence funds (CIF) sa panukalang 2024 budget, kung saan halos kalahati (P4.56 bilyon) ay nasa Office of the President,” ani Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas.

Hindi aniya dapat exempted si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa pagtatanggal o pagbabawas ng CIF dahil maraming serbisyo ang isinakripisyo sa ganitong uri ng pondo na hindi alam ng mga tao kung papaano at saan ginagastos.

Ganito rin ang pahayag ni ACT party-list Rep. France Castro na naniniwalang kayang mabuhay ang Pangulo tulad nina dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at yumaong Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

Ayon sa mambabatas, mahigit P2 billion ang CIF ng buong ahensya ng gobyerno noong 2015 kung saan P300 million lamang ang ibinigay sa tanggapan ni Aquino subalit naging maayos naman ang pagpapatakbo sa gobyerno.

Biglang tumaas lamang aniya ito noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ipinagpapatuloy at pinalolobo pa ni Marcos gayung kailangan ng mga tao ang tulong.

“Our stand is for Congress to abolish Confidential Funds and drastically reduce Intelligence Funds. This is to address the gross and unconscionable inflation of CIF over the years, particularly since the time of the Duterte administration,” ani Castro.

Samantala, sinabi ni Senador Risa Hontiveros na deserved ng security forces tulad ng Armed Forces of the Philippines at Philippine Coast Guard na mailipat sa kanila ang tatanggaling confidential at intelligence fund ng ibang ahensya ng gobyerno.

Kasabay nito ang pagtiyak na buo ang kanyang suporta sa plano ni Senate President Migz Zubiri at ng House of Representatives, na ilipat na ang confidential at intelligence funds sa mga ahensyang totoong dumidipensa sa teritoryo ng bansa at nagtatanggol sa likas yaman sa West Philippine Sea.

Sinabi ng senadora na natutuwa siya dahil tumitibay na ang nauna niyang panawagan noong nakaraang Agosto na palakasin ang kakayahan ng Philippine Coast Guard (PCG), National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at ng ibang ahensya.

Kailangan anya nila ng malaking pondo dahil pinoprotektahan nila ang ating likas yaman, ang ating mga kababayan, ang kabuhayan ng ating mga mangingisda at ang kinabukasan ng ating bansa.

Muling binigyang diin ng mambabatas na hindi tama na ang mga civilian agency na walang direktang kinalaman sa national security ay pagkakalooban ng P500 million na confidential fund, habang ang PCG na nagbabantay sa buong WPS, pagkakasyahin ang P10 million na confidential funds sa 2024.

(May dagdag na ulat si DANG SAMSON-GARCIA)

212

Related posts

Leave a Comment