ISINELDA ng mga tauhan ng District Special Operation Unit ng Manila Police District ( DSOU) ang isang 52-anyos na negosyante makaraang pagsamantalahan ang 15-anyos na dalagita sa isang motel sa Sta. Mesa, Manila noong gabi ng Valentine’s Day.
Sinalakay ng mga operatiba ang isang motel sa Sta. Mesa kung saan
naabutan nila si alyas “Allan”, may asawa, ng Barangay Molino 1V, Bacoor City, Cavite.
Ayon sa ama ng biktimang itinago sa pangalang “Amor”, ng Sampaloc, Manila, humingi ng tulong ang kanyang anak na sinabing kasama niya sa motel ang suspek.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na may relasyon ang dalagita at suspek ngunit nakikipaghiwalay na ang biktima kaya nang dalhin siya sa motel ay humingi ito ng tulong sa ama.
Nakipag-ugnayan naman ang ama ng biktima sa tanggapan ni Police Major Rommel Purisima, hepe ng DSOU, na agad namang iniutos sa kanyang mga tauhan na salakayin ang motel na nagresulta sa pagkakatimbog sa suspek.
Lumitaw rin sa imbestigasyon na unang nakarelasyon ng suspek ang ate ng dalagita. (RENE CRISOSTOMO)
