DALAGITA PATAY SA TRIP NG KATROPA

BANGKAY na nang maiahon ang isang 12-anyos na dalagita makaraan umanong pabirong itinulak ng kaibigan sa Ilog Pasig sa Sta. Ana Ferry Station sa Maynila.

Kinilala ang suspek na si alyas “Ghie” umano’y nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development ng Makati City.

Base sa ulat ni Det. Sir Christian Joseph Pineda na isinumite kay Police Lieutenant Dennis Turla, hepe ng Manila Police District – Homicide Section, bandang alas-3:00 ng hapon nang i-report noong Miyerkoles ng Philippine Coast Guard Sub-station ang pagkakadiskubre sa bangkay ng isang menor de edad sa Sta. Ana Ferry Station.

Lumitaw sa pagsisiyasat ng pulisya, noong nakaraang Linggo, Disyembre 4, bandang alas-6:00 ng umaga nang magkayayaan umanong maligo ang magkakaibigan kasama ang biktima, sa Pasig River sakop ng Barangay Poblacion sa Makati City.

Ngunit habang nagkakasayahan ay pabiro umanong itinulak ng suspek ang biktima sa ilog.

Tinangay ng malakas na alon ang biktima kaya agad silang humingi ng tulong sa Makati Police Station at sa PCG na mabilis namang nagsagawa ng rescue operation subalit bigong matagpuan ang biktima.

Noong Disyembre 7, ini-report sa PCG Sub-Station ang pagkakadiskubre sa bangkay ng biktima na agad ipinagbigay-alam sa MPD Headquarters.

Agad namang kinilala ng ina na anak niyang nalunod sa ilog ang natagpuang bangkay. (RENE CRISOSTOMO)

45

Related posts

Leave a Comment