TAGAYTAY CITY – Kapwa namatay ang isang mag-asawa habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang kanilang dalagitang anak makaraang bumangga ang kanilang sasakyan sa isang plastic barrier at dumiretso sa isang kongkretong elevated path hanggang tumagilid at tumama sa isang nakaparadang sasakyan sa lungsod na ito, noong Huwebes ng gabi.
Kinilala ang mag-asawang biktima na sina Joseph Estrella y Ramos, 33, at Verna Estrella y Malabanan, 35, kapwa residente ng Brgy. Santo Niño 2 Dasmariñas, Cavite City, kapwa namatay sa pinangyarihan ng insidente, habang nilalapatan ng lunas sa Tagaytay Medical Center ang kanilang dalagitang anak.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Ryan Bascugin ng Tagaytay City Police Station, minamaneho ni Joseph ang kanyang Toyota Tamaraw FX na may plakang TPW 719 at sakay nito ang asawa at dalagitang anak habang binabagtas ang kahabaan ng Emilio Aguinaldo Highway patungo sa South direction.
Ngunit dakong alas-11:20 ng gabi pagsapit sa Brgy. Silang Crossing East, Tagaytay City nang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver at pumaling ang sasakyan sa kabilang linya ng kalsada saka bumangga sa isang plastic barrier at dumiretso sa isang kongkretong elevated path.
Dahil dito, tumagilid ang sasakyan hanggang dumiretso at bumangga sa isang nakaparadang Toyota Hi-ace commuter na may plakang NFT 9070 na minamaneho ni Rodjim Jan Platon y Bancaya, 24, ng Naval Station, Fort Bonifacio, Taguig City.
Agad na namatay ang mag-asawa sa pinangyarihan ng insidente habang sugatan kanilang anak na isinugod sa ospital. (SIGFRED ADSUARA)
214