Destab plotters kaalyado ‘HUDAS’ NASA KAMPO NI MARCOS

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

MISTULANG ganito ang nais ipahiwatig ni Senador Imee Marcos matapos sabihin na mayroon ngang pagtatangka na pabagsakin ang administrasyon ng kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Naniniwala rin ang senadora na mula mismo sa loob ng kampo ng Pangulo ang umugong na destabilisasyon ngunit hindi ito nagbigay ng karagdagang detalye.

Aniya, nagkausap na sila ng nakababatang kapatid ukol dito at ipinagkibit-balikat lamang umano ito ng Punong Ehekutibo.

Bagaman pinayuhan na umano niya ang kapatid, binalaan na rin ng senadora ang mga nagtatangka o destabilization plotter.

Una nang ibinasura ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at pambansang pulisya na may plano na pabagsakin ang administrasyong-Marcos Jr.

Samantala, nilinaw ng pamunuan ng AFP na walang katotohanan na may kautusan mula sa higher authority na pagbawalang pumasok sa mga kampo ng militar partikular sa Camp Emilio Aguinaldo sa Quezon City ang mga retiradong opisyal nito, maging ng Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Col Francel Margareth Padilla, ang bagong hirang na tagapagsalita ng AFP, hindi totoo na pinagbabawalang makapasok sa mga military camp ang retired generals.

Hindi rin umano totoo na hindi na sila pina-iisyuhan ng security decals o sticker pass para makapasok sa mga kampo militar.

Ang ulat ay kasunod ng usap-usapan kaugnay ng destabilisasyon at paglutang ng pangalan ng mga retiradong opisyal na kasapi ng Association of General and Flag Officers.

Paliwanag ni Col. Padilla, posibleng may insidente lamang na may napigil sa gate na hinanapan ng proper identification o walang proper decals ang kanilang sinasakyan kaya may lumbas na ganitong isyu.

Paulit-ulit na nilinaw ng AFP na walang destabilization, katunayan ayon kay AFP chief of staff Gen. Romeo Brawner, hindi nila ito natalakay at hindi rin personal na pinag-usapan nang dumalo si Pangulong Marcos sa command conference ng mga senior military officer ng AFP.

Hindi rin aniya kailangan magsagawa ng loyalty check sa kanilang hanay.

Tumangi naman si Gen. Brawner na magkomento o sumagot hinggil kay Retired General Johnny Macanas Sr. na nasa likod ng viral video na nagdadawit sa pangalan niya at ni PNP chief Police General Benjamin Acorda na humihimok umano kay Pangulong Marcos na bumaba sa pwesto.

Magugunitang kinasuhan na ni Gen. Acorda si Macanas hinggil sa nasabing malisyoso umanong vlog.

(May dagdag na ulat si JESSE KABEL RUIZ)

116

Related posts

Leave a Comment