DLSU GRADUATING STUDENT PATAY SA AKYAT-BAHAY

WALA nang buhay nang matagpuan ang 24-anyos na graduating student bunga ng 14 tama ng saksak mula sa hindi pa nakikilalang suspek na pumasok sa dormitoryo sa Dasmarinas City sa lalawigan ng Cavite.

Kinilala ang babaeng biktima na si Leanne Duguesing, isang graduating student ng De La Salle University sa kursong Computer Science.

Sa imbestigasyon ng pulisya, kinabukasan pa ng hapon nang makita ang halos walang saplot na bangkay ng biktimang tinadtad ng saksak sa loob ng silid ng dormitoryong inuupahan sa Barangay Sta. Fe ng nasabing lungsod.

Batay sa salaysay ng mga testigo, isang lalaking nakasuot ng kulay asul na kamiseta, itim na short, itim na sumbrero at puting tsinelas ang nakitang lumabas sa dormitoryo bitbit ang mga ninakaw na gamit ng biktima.

Kwento ng mga nakatira sa katabing dormitoryo kay SSgt. Gilbert Santos ng Dasmariñas City Police, agad silang tumawag sa barangay matapos masipat ang isang lalaking dumaan sa rooftop ng Rolisa Dormitory kung saan nangungupahan ang biktima.

Gayunpaman, hindi na inabutan ng mga rumespondeng tanod ang suspek na mabilis na nakatakas.

Kumpiyansa naman ang pulisya na masasakote ang suspek na nakunan sa tulong ng CCTV na gamit ng katabing dormitoryo.

Sa isinagawang autopsya, apat na saksak sa dibdib, siyam sa katawan at isa sa leeg ang tinamo ng biktima.

Teorya ng pulisya, nanlaban ang estudyante sa magnanakaw na pumasok sa kanyang silid. (SIGFRED ADSUARA)

462

Related posts

Leave a Comment