HINAMON ni Senador Alan Peter Cayetano nitong Biyernes ang Commission on Higher Education (CHED) na lumikha ng panibagong “earth-shaking” reforms sa higher education sector upang gawing mas competitive ang mga unibersidad kasama ang college graduates ng bansa kumpara sa mga kasabayan nito sa Asya.
Sa isang manifestation sa Senate debate hinggil sa 2023 CHED budget, nanawagan si Cayetano sa opisyal ng komisyon na sikaping gumawa ng mas makabagong polisiya para sa sektor ng edukasyon, katulad aniya ng Unified Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST).
“We want to challenge CHED, next to UniFAST, ano yung agency-sponsored legislation n’yo na earth-shaking na makakatulong talaga sa ating mga estudyante na hindi lang makapasok sa kolehiyo, makapagtapos, get the best opportunities, but also have a brighter future,” aniya.
“We can go through the pages of the budget, and we agree that the sector should have a larger budget, but we do expect a breakthrough in the next few years,” dagdag ng senador.
Isa ang UniFAST sa mga programang ipinatutupad sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act, isang batas na ipinasa ng administrasyong Duterte noong 2017. Ginagarantiya nito ang libreng edukasyon sa mga state universities and colleges (SUCs) at pinalawak ang access sa mga scholarships at tulong-pinansyal para sa mga mag-aaral na gustong mag-enrol sa kolehiyo.
Kinilala ni Cayetano na bagama’t may mga naging katanungan ang ilang mga senador tungkol sa umano’y red tape sa loob ng CHED at mga problema sa paghahatid ng ayuda sa mga estudyanteng nangangailangan, umaasa siya aniya na mabibigyan din ng solusyon ang mga isyung ito sa susunod na mga taon.
“Looking ahead, we will be talking about how we could compete with the best universities in Asia, and how our students can get jobs, hopefully not only abroad but here,” aniya.
Nanawagan din ang senador kay CHED Chair Prospero “Popoy” De Vera III, na naunang na-appoint ng administrasyong Duterte at muling itinalaga ni Ferdinand Marcos Jr., na imaksimisa ang panibago niyang mandato upang pamahalaan ang patuloy na pagpapaganda ng tertiary education sa bansa.
Inaprubahan ng Senado Biyernes ng madaling araw ang P30.7 bilyong alokasyon ng CHED sa taong 2023. Ito ang huling ahensyang naaprubahan ng naturang kamara bago umabante General Appropriation Bill o kabuuang budget ng gobyerno sa bicameral committee phase. (ESTONG REYES)
