ECO CHA-CHA WALANG ATRASAN SA KAMARA

IKINATUWA ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagpihit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa usapin ng economic Charter change na wala nang atrasan dahil sinimulan na ang pagdinig sa Resolution of Both Houses (RBH) No.7.

Sa press conference ng majority bloc ng Kamara kahapon, sinabi ni Deputy Speaker David Suarez na welcome development ang pahayag ni Duterte sa kanyang inorganisang rally sa Cebu noong Linggo na sinusuportahan niya ang Cha-cha sa kondisyong tanging ang economic provisions ang aamyendahan at hindi makikinabang ang incumbent officials.

Gayunpaman, sinabi ng mambabatas na kailangang himukin din ni Duterte ang kanyang mga supporter na suportahan ang economic Cha-cha dahil sa ngayon ay marami sa mga anti-Cha-cha group ay kaalyado ng dating pangulo.

“So inuulit ko po yung posisyon ko, natutuwa po ako sa pagbabago ng sentimyento ng ating dating pangulo kaso lang mas magiging maganda po ito kung pati ang kanyang mga sumusuporta ay sumalamin din sa posisyon ng dating pangulo,” ani Suarez.

Ayon naman kay Taguig Rep. Amparo Maria Zamora, sa una pa lamang ay economic provisions ang nais ng mga ito na amyendahan sa Saligang Batas subalit inintriga lamang ito.

Malamang aniya na nalinawan na si Duterte sa nasabing usapin kaya sinusuportahan nito ang Cha-cha na noong una ay kanyang binatikos.

“Natutuwa rin ho tayo at nakikiisa rin tayo sa mga pahayag ng ating dating Pangulo sapagkat panahon na po upang tingnan natin uli ang ating Saligang Batas. Kung paano ho natin mapapalawak ang mga investment at mabibigyan din ho natin, maisusulong din ho natin ang mga kapakanan ng ating mga manggagawa,” ayon naman kay Rizal Rep. Fidel Nograles.

(BERNARD TAGUINOD)

88

Related posts

Leave a Comment