EX-MAYOR TUMANG NG MEXICO, PAMPANGA IKINULONG SA KAMARA

IPINAKULONG ng mga kongresista ang dating alkalde ng Mexico, Pampanga na si Teddy Tumang na kasama sa iniimbestigahan hinggil sa 500 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.6 billion sa isang bodega sa nasabing lalawigan na nakumpiska noong Setyembre.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng House committee on dangerous drugs sa nasabing isyu, kinompronta ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers si Tumang hinggil sa press conference nito noong October 11 kung saan isinapubliko ang detalye ng executive session.

“Meron akong nakausap sa mga nag-iimbestiga, ang nagtatanong dun (sa executive session) isa si Senior Deputy Speaker Dong (Aurelio) Gonzales, tinanong sa mga NBI, ‘hindi ba talaga involved si Mayor Tumang diyan?’ Para akong ini-implicate, dalawang beses daw niya tinanong,” pahayag umano ni Tumang sa press conference, ayon kay Barbers.

Inamin naman ito ni Tumang kaya humingi ng apology subalit hindi ito naging sapat dahil naghain ng mosyon si Antipolo Rep. Romeo Acop para icite-in-contempt ang dating Mayor na inaprubahan naman ng mga miyembro ng komite.

Tinangka pa ni Abang Lingkod party-list Rep. Stephen Paduano na paaminin si Tumang kung sino ang source nito sa loob ng executive session subalit sinabi nito na ibinoluntaryo lamang sa kanya sa isang tao habang nagkakape ito sa coffee sa isang gasolinahan sa North Luzon Expressway.

“I think you are lying,” ani Paduano at matapos ito ay nagmosyon na si Acop para i-contempt ang dating Mayor na tinanggal ng Office of the Ombudsman sa puwesto dahil sa kasong katiwalian.

“We are citing former Mayor Tumang for contempt for violating Section 7 of our rules governing inquiries in aid of legislation, subject to motions for reconsideration,” pahayag ni Barbers.

Karaniwang 10 araw lamang ikinukulong ang mga resource person sa mga committee hearing na nako-contempt subalit pinatawan ng 30 na pagkakakulong sa Batasan Pambansa Complex ang dating alkalde.

Bukod kay Tumang, na-contempt din ang aide nito na si Roy Gomez at makukulong din sa loob ng 30 araw dahil sa pag-iwas nito sa mga tanong hinggil sa lupang binili ng negosyanteng si Willy Ong na pag-aari umano ng kapatid ng dating alkalde at tinayuan ng bodega kung saan nakumpiska ang nasabing ilegal na droga.

(BERNARD TAGUINOD)

459

Related posts

Leave a Comment