GO SIGNAL NI BBM HINIHINTAY SA DISMISSAL NG POLICE GENERAL

WALA pang go signal mula sa tanggapan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang pagsibak sa dating director ng Southern Police District (SPD) at isa pang opisyal kaugnay ng kuwestiyonableng raid ng kanilang mga tauhan sa isang condominium sa Paranaque City noong 2023.

Sa huling pagdinig ng House Committee on Public Order and Safety kahapon, tinanong ni Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen Paduano kung kasama sina dating SPD Director Gen. Brig. Gen. Roderick Mariano at SPD comptroller Col. Charlie Cabradilla sa mga sinibak sa serbisyo.

“Not yet your Honor, because we’re asking the clearance for the President,” sagot ni General Belli Tamayo ng Directorate for Personnel and Record Management ng PNP, kay Paduano.

Kinumpirma naman ni National Police Commission (NAPOLCOM) Vice Chairperson at Executive Officer Alberto Bernardo na may nakahaing ‘request for summary dismissal’ laban kina Mariano at Cabradilla.

Ayon kay Bernardo, inihain ang request sa Office of the President noong Enero 2024 subalit hanggang ngayon ay wala pang tugon dito ang Pangulo at naniniwala ito na kasalukuyang ine-evaluate pa ang kaso.

Una nang sinibak sa serbisyo ang 10 tauhan ni Mariano na inakusahang nagtanim na ebidensya at kumuha ng perang umaabot sa P27 million sa raid na isinagawa ng mga ito laban sa apat na babaeng Chinese national sa Parañaque City noong 2023.

Kabilang sa mga sinibak sa serbisyo sina Police Lt. Jolet Guevarra, hepe ng District Special Operations Unit ng SPD; Police Major Jason Quijana, Deputy ni Guevarra; Police Major John Patrick Magsalos, Station Commander ng Police Station 2, Tambo Paranaque City; Police Capt. Sherwin Limbauan; PEMS Arsenio Valle; PSSg Mark Democrito; PSSg Danilo Desder Jr.; PSSg Roy Pioquinto; PSSg Christian Corpuz, at Police Cpl. Rexes Claveria.

Bukod sa pagkakasibak ng mga nabanggit ay nahaharap din sa kasong kriminal ang mga ito dahil sa pagkakasangkot sa nasabing krimen.

Samantala, pinalaya na mula sa kustodiya ng Kamara ang 8 opisyales na na-contempt dahil umano sa pagsisinungaling na kinabibilangan nina

Mariano, Cabradilla, Guevarra, Magsalos, Quijana, Desder, Pioquinto at Democrito.

(BERNARD TAGUINOD)

246

Related posts

Leave a Comment