GOBYERNO INUTIL SA KASO NG OFWs – TULFO

(DANG SAMSON-GARCIA)

TILA inutil ang gobyerno sa pagtatanggol sa overseas Filipino workers na nakakasuhan sa iba’t ibang bansa, base sa obserbasyon ni Senador Raffy Tulfo.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Migrant Workers, kinuwestiyon ng mga senador ang datos mismo ng Department of Foreign Affairs kung saan nakasaad na zero acquittal o walang napawalang sala sa mga OFW at mga Pinoy na nakasuhan sa ibang bansa.

Nagtataka si Senador Joel Villanueva kung paano nangyari na lahat ng OFWs na may kaso ay convicted.

Sinundan naman ito ng pahayag ni Senador Raffy Tulfo na nangangahulugan ba ang datos na walang ginawa ang gobyerno ng Pilipinas para sa OFWs.

Sa datos ng DFA, nasa 1,278 ang concluded criminal cases mula Enero hanggang Hunyo 2022 at walang acquittal.

Ipinaliwanag naman ng DFA na ang zero acquittal ay hindi naman nangangahulugan na guilty na ang Pinoy dahil posibleng pending pa ang ibang kaso.

Gayunman, aminado ang DFA na kaunti lamang ang na-a-acquit na mga Pinoy sa iba’t ibang bansa na posibleng umabot lamang sa isang dosena sa loob ng isang taon.

Dahil dito, iginiit nina Tulfo at Villanueva na dapat magkaroon ng evaluation kung saan mahina ang representasyon ng bansa at bakit hindi naipapanalo ang mga kaso.

Dagdag pang tanong ni Tulfo ay kung mahina ang mga abogadong nakukuha ng DFA kaya’t hindi naipagtatanggol nang maayos ang mga Pinoy sa ibang bansa na itinanggi ng DFA at ikinatwirang ang mahalaga ay mayroong representasyon ang migrant workers.

Iginiit din ng mga senador na hindi dapat makuntento ang DFA na mayroong representasyon at sa halip ay tiyakin na matutulungan ang mga Pinoy na may kaso.

22

Related posts

Leave a Comment