Hinamong maging tapat sa taumbayan NAGDIKTA NG CHA-CHA DAPAT TUKUYIN NI MARCOS

(BERNARD TAGUINOD)

PINASISIWALAT ng isang mambabatas sa Kamara kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kung anong bansa at grupo ng foreign investors ang nais amyendahan muna ang 1987 Constitution bago sila maglagak ng puhunan sa Pilipinas.

Ginawa ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel ang hamon kay Marcos dahil sa dami ng biyahe ng Pangulo mula noong 2022 ay bigla nitong ikinasa ang Charter change (Cha-cha) sa economic provisions.

Kamakalawa ay tuluyan nang inilantad ni Marcos ang kanyang posisyon sa Cha-cha sa gitna ng bangayan ng mga senador at congressmen na umabot na sa personalan ng ilan sa mga ito.

“Sinong mga dayuhan ang nais pumasok sa bansa nang walang limitasyon para kamkamin ang ating mga rekurso at i-exploit ang ating murang lakas-paggawa? Sagutin muna niya ito bago siya magtunog desperado para pabilisin ang Cha-cha sa Senado,” dagdag pa ni Manuel.

Kailangang maging honest aniya si Marcos sa mga Pilipino at aminin kung anong bansa na kanyang pinasyalan ang nagsabi na amyendahan ang Saligang Batas kapalit ng kanilang puhunan.

Ipinagbunyi naman ng administration congressmen ang pagsuporta ni Marcos sa economic Cha-cha kaya dapat umanong bilisan ng mga senador ang pag-apruba sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 6 o economic Cha-cha.

“The President has broken his silence and finally endorsed constitutional economic reforms. Senators should at the very least listen. They have been calling on the President to settle the issue. They now got what they are asking for,” ani Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers.

Ganito rin ang pahayag Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., at dapat tuparin aniya ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang kanilang pinagkasunduan ni Speaker Martin Romualdez na ipasa ang nasabing resolusyon sa Marso.

Pagtalakay sa Eco Cha-cha Sundan

Samantala, hiniling ni Senate Subcommittee on Constitutional Amendments and Revision of Codes Chairperson Sonny Angara sa publiko na sundan ang pagtalakay nila sa Resolution of Both Houses 6 upang mas maunawaan ang isinusulong na pag-amyenda sa economic provisions ng Konstitusyon.

Sinabi ni Angara na ang kagandahan sa isinasagawa nilang pagdinig ay transparent ito at maaaring mapanood ng kahit sino.

Hiniling din ng mambabatas sa publiko na makiisa sa pagtalakay sa pamamagitan ng pagpapadala ng kanilang mga tanong at komento sa angara.sonny@gmail.com upang direkta rin silang marinig.

Hindi Magic Solution

Nananawagan naman si Senador Nancy Binay sa mga pabor sa pagbabago ng saligang batas na huwag paasahin ang publiko at paniwalain na magic solution ang pagrebisa sa economic provision ng konstitusyon sa lahat ng problema ng bansa.

Iginiit ni Binay na hindi magic solution ang economic Cha-cha dahil hindi naman ito agad na magdudulot ng pagbaba ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

“Hindi ito magic solution na kapag napasa, mawawala na lahat ng problema natin o okay na ang ekonomiya ng ating bansa. And I think baka kailangan namin din, isa yan sa kailangang ibahagi rin sa mga kababayan na kumbaga hindi lang ito ang solusyon,” diin ni Binay sa panayam ng DWIZ.

Ang pangunahing problema anya ng taumbayan ay ang mataas na presyo ng mga bilihin.

(May dagdag na ulat si DANG SAMSON-GARCIA)

124

Related posts

Leave a Comment