HUMARAP sa pagdinig ng Senate committee on women, children and family relations ang ilan pang sinasabing nabiktima ng pang-aabuso umano ni Pastor Quiboloy.
Sa pagdinig ng komite sa pangunguna ni Senador Risa Hontiveros, emosyonal at detalyadong isinalaysay ni alyas Amanda ang naging karanasan noong siya ay maging miyembro ng Kingdom of Jesus Christ.
Ayon kay alyas Amanda, nagsimula siyang maging miyembro ng KoJC noong siya ay 10 taong gulang pa lamang kung saan siya naatasang mamalimos at magbenta ng kung anu-ano.
Makalipas ng ilang taon ay nahikayat si Amanda na maging scholar ng KoJC at naging pastoral ni Quiboloy.
Bilang pastoral anya ay naatasan siyang magmasahe hanggang sa pagsamantalahan na ni Quiboloy. Nang hindi na niya makayanan ay nagpasaklolo na sya sa ina upang maialis sa KJC.
Kapalit naman anya ng pag-alis niya sa KJC ay inipit ang kanyang mga dokumento sa paaralan dahilan kaya’t hindi rin siya makapag-aral.
Aminado si Amanda na hanggang ngayon ay traumatic sa kanya ang pangyayari.
Kahalintulad na salaysay din ang ibinahagi ng dalawang Ukrainian na babae na sina alyas Sofia at Nina na nabiktima rin umano ng pang-aabuso ni Quiboloy habang sila ay nasa Davao.
Samantala, dahil sa pang-iisnab ni Quiboloy sa pagdinig sa kabila ng dalawang imbitasyon, nagpasya ang komite na isyuhan na ito ng subpoena.
Kinumpirma naman ni Hontiveros na nagpadala ng sulat si Quiboloy subalit hindi naka-address sa komite kundi kay Senate President Juan Miguel Zubiri.
(DANG SAMSON-GARCIA)
170